MAG-INGAT SA CON ARTISTS, BABALA NG BI SA PUBLIKO
Advertisers
Binalaan ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko laban sa mga con artists na gumagamit sa pangalan ng kanilang ahensiya upang makapanloko ng pera sa kanilang mga biktima.
Ang babala ay ginawa ni BI Commissioner Norman Tansingco matapos makatanggap ng request for verification mula sa isang Pinay na ang American partner, ay sinasabing pinipigil sa paliparan ng mga awtoridad noong Mayo 15.
Ayon kay Tansingco, sinasabing ang naturang American partner ng Pinay ay pinagbabayad umano ng BI ng P40,000 bilang penalty matapos na dumating sa bansa na may dalang undocumented foreign currency sa kanyang bagahe, na lampas sa pinahihintulutang legal ma halaga.
Noong unang bahagi ng buwan, nakatanggap na rin ang BI ng request for verification mula sa isa pang Pinay na ang Korean partner ay inaresto umano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa kapareho ring kadahilanan.
May isang peke pa umanong BI Facebook account ang nagpadala ng mensahe sa isang Pinay na nanghihingi ng kabayaran na 350 USD bilang multa.
Binigyang-diin naman ni Tansingco na ang immigration ay hindi nakikialam sa mga incoming currency o bagahe, kaya’t ang naturang kautusan ay isang scam lamang.
Ikinatuwa rin ni Tansingco na mas ‘aware’ na ngayon ang mga tao hinggil sa naturang modus at bago magbigay ng pera ang mga ito ay nagsasagawa muna ng beripikasyon sa mga kinauukulan.
Maaaring magpadala ng verification requests hinggil sa mga ganitong kaso sa Facebook.com/officialbureauofimmigrationo di kaya ay sa pamamagitan nang pagtawag sa kanilang hotline na +632 8 4652400, aniya. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)