Advertisers
Bagaman hindi pa tukoy ng Quezon City Police District (QCPD) ang motibo sa nangyaring pananambang kay Land Transportation Office (LTO) Registration Chief Mercedita Gutierrez noong Biyernes, Mayo 24, 2024 sa kanto ng Kamias Road at K-H St, Barangay Pinyahan, QC, ang mahalaga sa importante dito ay ang ipinamalas na hakbangin ng pulisya.
Hakbangin? Oo my dear readers – ang mabilis o agarang pagkilos ng QCPD tulad na pagbuo ni QCPD District Director, P/Brig. Gen. Redrico Maranan ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa kaso. Ipinagkatiwala naman ni Maranan ang SITG kay Acting Deputy District Director for Operations P/Col. Amante Daro.
Siyempre, katuwang sa SITG ang iba’t ibang operating unit ng QCPD para sa mabilisan ikalulutas ng kaso, kabilang dito ay ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na pinamumunuan ni P/Maj. Don Don Llapitan. Ops, baka magtampo sila…siyempre nandyan din ang DSOU, DID, at police stations.
Hayun, sa loob pala ng 24-oras simula nang maganap ang pagpaslang kay Gutierrez, naaresto na ng QCPD ang gunman. Ganoon kabilis ang pagresolba ng QCPD sa kaso.
Hindi naman nakapagtataka dahil maraming beses nang pinatunayan ito ng QCPD. Kaya nga parating inuuwi ng QCPD ang parangal na “the best police district” sa tuwing nagbibigay ng parangal ang NCRPO sa kanilang pagseselebra ng kanilang founding anniversary.
Nalaglag na belt bag ng gunman, susi sa pagkalutas sa krimen….
Nagsimula ang Task Group sa pagresolba ng kaso sa pamamagitan ng nalaglag na belt bag ng gunman kung saan may mga lamang mahahalagang dokumento na nagbigay impormasyon sa pagkakakilanlan sa gunman. Natukoy ang gunman sa pamamagitan ng mga nakuhang OR/CR ng motorsiklo na kanyang ginamit sa krimen at bukod dito, malaking tulong din ang salaysay ng mga nakasaksi para positibong kilalanin ang naaresto.
Hindi nag-aksaya ng oras ang tropang QCPD ni Maranan…kaya sa loob lamang ng 24-oras ay nadakip ang suspek na nakilala lamang sa alyas “Danny”. Iyan ang QCPD sa ilalim ng excellent leadership ni Maranan. Palakpak naman diyan My Dear fellow Filipinos.
Ngayon, patuloy pa rin nagsasagawa ng malaliman imbestigasyon ang QCPD — “pinakakanta” ang suspek kung mayroon bang umarkila sa kanya para itumba ang babaeng executive.
Ops huwag masyadong mag-isip ng kung ano-ano sa salitang “pinakakanta” ha…ibig sabihin nito ay malaliman pang imbestigasyon ang isinasagawa para matukoy ang motibo ng suspek sa pagpaslang kay Gutierrez..para rin malaman kung inarkila nga siya o personal nagalit.
Hindi pa man nalalaman ang motibo sa krimen, ang mahalaga dito ay maikokonsiderang lutas na ang kaso. Iyan ang numero uno magandang balita sa Gutierrez slay.
Tutok lang tayo sa patuloy na pagtrabaho ng QCPD sa kaso. Kung nagawa nilang madakip agad ang nag-iisang gunman, walang dahilan para hindi matukoy ng QCPD ang motibo maging sa pagkakatukoy ng mastermind kung…inuulit natin ha. Iyan ay kung may umarkila kay alyas “Danny” para itumba si Gutierrez.
Wala pang natutukoy na motibo? Ang mahalaga, nadakip na ang pangunahin salarin – ang gunman.
Salamat sa nalaglag na belt bag…isang patunay na walang malinis na krimen.
Congratulations Gen. Maranan, congratulations QCPD.