Advertisers
MAGSASAGAWA ng malalimang imbestigasyon ang pamunuan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) hinggil sa viral na “escort for hire” post sa social media.
Batay sa Instagram post ng isang TikTok personality at nagpakilalang talent ng Viva na burado na ngayon, makikita ang isang HPG personnel sakay ng motorsiklo sa harap ng kanilang sasakyan.
Ipinagyabang pa ng uploader na nirentahan ng kanyang asawa ang serbisyo ng HPG personnel upang makaiwas siya sa traffic patungo sa kanyang destinasyon.
Sa pahayag na inilabas ng HPG, hindi nila kukunsintihin ang anumang pagkakasangkot ng kanilang mga tauhan sa escort for hire services lalo pa’t labag ito sa kanilang existing protocols at regulations.
Inaalam narin ng pamunuan ang katotohanan sa likod ng post, at tiniyak ng HPG sa publiko ang isang transparent at malalimang proseso ng imbestigasyon ang kanilang gagawin.
Paalala pa ng HPG sa sinumang nagpapakalat ng malisyosong pahayag laban sa buong organisasyon na nakakasira sa imahe nito ay may kaakibat na kasong kriminal.