Advertisers

Advertisers

HULYO 17-23 KADA TAON IDINEKLARA NI PBBM BILANG NAT’L DISABILITY RIGHTS WEEK

0 20

Advertisers

IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Hulyo 17 hanggang 23 ng bawat taon bilang “National Disability Rights Week.”

Ang hakbang na ito ay bahagi ng pangako ng pamahalaan sa United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities (UNCRPD).

Sa dalawang pahinang Proclamation No. 597 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Hunyo 13, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng National Council on Disability Affairs (NCDA), na manguna sa pakikipag-coordinate at pangangasiwa sa nasabing okasyon.



Inaatasan din ang NCDA na tukuyin ang mga programa, aktibidad at proyekto para sa pagdiriwang.

Maliban dito, lahat ng ahensya at sangay ng pamahalaan, kabilang ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs), state universities and colleges (SUCs) ay inaatasang ipagdiwang ito habang hinihikayat din ang lahat ng lokal na pamahalaan, non-government organizations (NGOs), at pribadong sektor na makiisa rito.



Sinabi ni Pangulong Marcos na ang Pilipinas ay nakatuon sa layunin ng UNCRPD na itaguyod, protektahan at tiyakin ang buo at pantay na paggalang sa lahat ng karapatang pantao at mga pangunahing kalayaan ng lahat ng taong may kapansanan, at itaguyod ang paggalang sa kanilang likas na dignidad.

Sa paglagda sa batas, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangang amyendahan ang Proclamations No. 1870 at 361 upang maging consistent sa layunin ng UNCRPD at itaguyod ang isang rights-based na pagdiriwang ng “National Disability Rights Week.”



Ang Proclamation No. 1870 (s. 1979) ay nagdeklara sa ikatlong linggo ng Hulyo bilang “National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week” habang ang Proclamation No. 361 (s. 2000) ay nagdeklara sa Hulyo 23 bilang pagtatapos ng NDPR Week, bilang paggunita na rin sa kaarawan ng Dakilang Lumpo, Apolinario Mabini.

Samantala, sinabi ni PBBM na ang Proclamation Nos. 1870 (s. 1979) at 361 (s. 2000) ay pinawawalang-bisa kasama ng lahat ng iba pang kautusan, patakaran at regulasyon na hindi naaayon sa Proclamation No. 597. (Gilbert Perdez)