Advertisers

Advertisers

PAGBUHAY SA IFUGAO RICE TERRACES, ISINUSULONG NI PANGULONG MARCOS

0 3

Advertisers

Masasabing ang pangangalaga sa Ifugao Rice Terraces ay hindi lamang usapin ng turismo. Ito ay tungkulin ng buong bansa upang mapanatili ang isang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan, kultura at pagkakakilanlan.

Kaya naman kapuri-puri ang hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipagpulong sa Palafox Associates upang talakayin ang isang komprehensibong plano para sa Banaue at iba pang rice terrace municipalities sa Ifugao.

Malinaw ang direksiyon: hindi lamang protektahan ang mga hagdan-hagdang palayan kundi bigyan din ng panibagong buhay ang mga komunidad na umaasa rito.

Matagal nang kinakaharap ng Ifugao Rice Terraces ang pagkasira ng ecosystem, pag-alis ng mga residente at kakulangan ng sapat na kita ng mga magsasaka. Kung hindi maagapan, maaaring tuluyang mawala ang isang yamang minana pa natin sa mga ninuno.

Sa ilalim ng planong tinatalakay, bibigyang-diin ang ecotourism habang pinangangalagaan ang kultura at tradisyon ng mga taga-Ifugao. Mahalaga ito dahil ang pag-unlad ay hindi dapat nangangahulugan ng pagsasakripisyo sa ating pamana.

Ang Ifugao Rice Terraces ay tinatayang 2,000 taong gulang at nilikha ng mga katutubong Ifugao. Isa itong pambihirang patunay ng talino, sipag at malalim na ugnayan ng ating mga ninuno sa kalikasan.

Bilang National Cultural Treasure at UNESCO World Heritage Site, hindi lamang Ifugao ang may pananagutan dito. Bahagi ito ng national treasure na dapat maprotektahan para sa susunod na mga henerasyon.

Naging endangered World Heritage Site man ito noong 2001 dahil sa kapabayaan, erosion at pag-abandona, naiangat naman ito mula sa danger list noong 2012 matapos ang mga restoration at conservation efforts ng pamahalaan at komunidad.

Patunay ito na kapag nagtutulungan ang gobyerno at mga lokal na pamayanan, posible ang rehabilitasyon ng ating mga makasaysayang yaman.

Mas naging mahalaga ang pagpapalakas sa conservation efforts matapos masira ang ilang bahagi ng rice terraces dahil sa mudslides at rockslides dulot ng Super Typhoon Uwan noong November 2025.

Sa ganitong kalagayan, napapanahon ang pagkakaroon ng isang pangmatagalang master plan. Hindi sapat ang pansamantalang pagkukumpuni, kailangan ang sistematikong pangangalaga, imprastraktura, kabuhayan at environmental protection.

Kaya sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos, ipinakikita na ang development ay maaaring isabay sa preservation. Ang tunay na progreso ay yaong nagbibigay ng mas magandang buhay sa mga tao habang pinangangalagaan ang yaman na kanilang ipinamana sa atin.

Malinaw na ang pangangalaga sa Ifugao Rice Terraces ay pamumuhunan hindi lamang para sa turismo kundi para sa kultura, kabuhayan at kinabukasan ng bansa.

Kung maisasakatuparan nang maayos ang planong ito, maaaring maging halimbawa ang Ifugao kung paano mapagsasabay ang kaunlaran at pagprotekta sa ating national heritage.

***

Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.