Advertisers

Advertisers

MALAKANYANG SINITA ANG TUPAD BENEFICIARIES: GINAGAWANG PHOTO-OP PAGLILINIS NG BASURA, PA-PICTURE LANG TAPOS UWI

0 4

Advertisers

PINUNA ng Malacañang ang ilang benepisyaryo ng TUPAD program na inaasahang tutulong sa paglilinis ng kanilang mga komunidad ngunit umano’y hindi seryosong ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nakarating sa kanilang atensyon ang mga insidenteng may ilang TUPAD beneficiaries na nagkukunwaring naglilinis para lamang sa isang photo opportunity.

Aniya, matapos makuhanan ng litrato o video, agad na umaalis ang ilan sa halip na ipagpatuloy ang ipinagkatiwalang trabaho.



Nanawagan si Castro sa mga benepisyaryo ng TUPAD na tuparin nang maayos ang kanilang responsibilidad, lalo’t naglalaan ng pondo ang pamahalaan upang mabigyan sila ng pagkakataong kumita habang nakatutulong sa komunidad.

Aniya, hindi layunin ng TUPAD na lumikha lamang ng mga “fake video” bilang patunay ng kanilang trabaho.



Mas nakababahala aniya kung may ilan pang nagtatambak umano ng basura para lamang may maipakitang nililinis.

Apela pa ng Malacañang official, sulitin ng mga benepisyaryo ang pagkakataong ibinibigay ng pamahalaan at tiyaking ang kanilang serbisyo ay tunay na nakatutulong sa paglilinis at pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang komunidad. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)

style="display:block" data-ad-client="ca-pub-7020468026123536" data-ad-slot="5705765747" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true">