Advertisers
MAY nasagap akong balita. Bagama’t hindi pa ito kumpirmado, positibo naman ang dating sa mga Manilenyo.
Oo! Tatakbo raw na alkalde sa Maynila si dating Senador at 8-division world boxing champion Manny Pacquiao.
Ang reaksyon ng mga Manilenyo: “Okey yan, maiba naman”, sabi ng isang empleyado ng Manila City government.
Kung totoo ngang tatakbong mayor sa Maynila si Pacquiao at si Isko Moreno ay lalabang senador, magiging maganda ang laban ni Pacquiao kay incumbent mayor Honey Lacuna lalo kung hindi makialam sa Maynila si Kois.
Pero kung si Kois ang tatakbong mayor, malabo si Pacquiao maliban kung ibuhos niya ang kanyang bilyones na kinita sa halos 30 years niyang pakikipagbasagan ng mukha sa ibabaw ng ring. Hehehe…
Ang isa pang matunog na tatakbong mayor sa Maynila ay si dating 3rd District Congresswoman Zenadia Angping.
Kung labanang Pacquiao, Lacuna at Angping lang, llamado ang boxing politician dahil sa ugaling masa ito at may panggastos naman talaga. Mismo!
Pero kung Isko vs Pacquiao, malamang ang knockout ng dating senador. Hehehe…
Sina Pacquiao at Isko ay kasama sa top 10 sa survey na winnable sa senatorial derby.
Makukumpirma natin kung ano nga ang kanilang tatakbuhin sa sunod na mga araw. Ang filing ng Certificate of Candidacy ay sa unang linggo ng Oktubre, tatlong buwan nalang mula ngayon. Abangan!
***
Sabi ni Senadora Imee Marcos, ang super-ate ni Pangulong Bongbong, 25 areas sa Pilipinas ang posibleng target ng China hypersonic missile kapag nakipaggiyera ang Pilipinas.
Mabuti pa si Imee alam ito, samantalang ang AFP at PNP na may malaking intelligence funds ay walang kaalam-alam sa ibinunyag na ito ng senadora. Saan kaya galing ni Imee ang kanyang information? Totoo kaya ito?
Naniniwala naman ako na magagawa nga ng Tsina na lusawin ang maliit na bansa ng Pilipinas sa isang iglap kapag nakipag-giyera ang ating bansa na kulang na kulang sa kagamitan pandigma.
Umaasa lang kasi ang Pilipinas sa ayuda ng mga bansang Amerika at European countries. Mismo!
***
Muling tinakot ni dating Pangulo Digong Duterte si dating Senador Liela De Lima na gagawa lang ito ng malaking gulo kapag niresbakan siya.
Si Duterte ang “utak” ng mga “tahi-tahing kaso” sa iligal na droga para makulong si De Lima ng halos pitong taon.
Lahat ng tatlong kasong ito ay binasura ng korte matapos ang termino ni Digong at nang mag-atrasan ang mga “pinuwersang” testigo.
Plano ngayon ni De Lima na resbakan ang mga taong gumawa ng mga tahi-tahing kaso para siya makulong, kabilang rito sina Duterte, ang dating NBI Director (kung sino man yun), dating Solicitor General Jose Calida at dating Presidential Legal Chief Sal Panelo. Abangan!
***
Ipinagmamalaki ni Vice President Sara Duterte na hindi siya kumuha ng intel fund para sa 2025 national budget ng kanyang tanggapan.
Pero hanggang ngayon ay hindi niya maipaliwanag kung saan nilustay in 11 days ang P125 million intel fund niya noong 2022.