Advertisers
Arestado ang 50-anyos na lalaki na wanted sa kasong rape, sa operasyon na ikinasa ng Fairview Police sa Barangay Hoyo, Silang Cavite, noong Lunes.
Ayon kay Police Captain Eliseo Oares, Deputy Station Commander ng Fairview Police, may arrest warrant ang lalaki para sa kasong rape nang halayin ang isang menor de edad na may kapansanan sa Barangay East Fairview noong nakaraang taon.
Dating magkapitbahay sa nasabing barangay ang suspek at ang biktima bago tumakas sa Cavite ang suspek.
“Yung biktima po neighbor din lang po ng suspek. Palagi pong pumupunta sa bahay niya. Siguro sa tiwala, nagkaroon siya ng opportunity at ginawan niya ng ano ang bata. So nung nalaman ng parents ay sinampahan siya ng kaso at nagtago na siya sa Cavite,” sabi ni Oares.
“Yung ating victim…nalaman namin na nagbunga ang ginawa ng suspek, kaya po ngayon may 7 months old na baby . May baby na po ang victim,” dagdag niya.
Naaresto naman ang suspek matapos nilang makatanggap ng impormasyon na nagtatrabaho ito bilang isang welder sa Barangay Hoyo sa Silang.
Todo tanggi naman ang suspek sa mga paratang pero aminado siyang kadalasang pumupunta sa kanyang bahay ang biktima para manghingi ng pagkain.
“Sabi ko [sa tatay] ‘Wala ako ginawa sa anak mo, malinis konsensya ko. Pumunta sa akin ang anak mo kasama sila te’ eh sabi ko naman ginugutom nila ang anak nila dapat obligasyon nila ‘yan.
Pumupunta sila sa akin kasi may trabaho ako. Parang napamahal sa akin ang mga bata na ‘yun,” sabi ng suspek.
“Close [kami], heto nga ang resolution ko mag-DNA test, para maliwanagan sila. Wala akong ginawang masama,” dagdag niya.
Sa ngayon, nakakulong na sa Fairview Police ang suspek habang inihahanda ang kanyang return of warrant.