Advertisers

Advertisers

DOF, DBM, PhilHealth ginisa ni Bong Go sa fund transfer

0 18

Advertisers

Sa pampublikong pagdinig noong Martes ng Senate committee on health, iginisa ni chairperson Senator Christopher “Bong” Go ang mga opisyal ng Department of Finance (DOF), Department of Budget and Management (DBM), at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) hinggil sa paglilipat ng sobrang pondo ng PhilHealth sa National Treasury.

“Uulitin ko —Legally, baka meron kayong magandang sagot o palusot. Ngunit sa moral? Para sa akin—ito ay hindi katanggap-tanggap. Ang pondo para sa kalusugan ay dapat gamitin para proteksyunan ang kalusugan ng taumbayan,” pagdidiin ni Go.

“To our finance managers, alam ko ginagawa nyo lang ‘yung trabaho niyo… But please, as chair of this Health committee, mangyaring unahin ang kalusugan! Ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Aanhin natin ang excess funds na gagamitin para sa anumang priority projects kung patay na ang Pilipino,” ang apela pa ng senador.



Kinuwestiyon ni Go kung tama sa moral at legal para sa gobyerno na maglipat ng mga pondo para sa pangangalagang pangkalusugan tungo sa ibang layunin.

Binigyang-diin niya na bagama’t may iba pang priyoridad na kailangang pondohan, ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino ay pangunahing alalahanin sa bansa.

Kinuwestyon ni Sen. Go si Finance Sec. Ralph Recto na huwag sanang isali ang pondo para sa pangangalagang pangkalusugan sa ginagawang “pagwawalis sa mga pondo” sa pagsasabing mas kritikal ang pangangailangan ng maraming pasyenteng mahihirap.

“Ngunit tanong ko lang po, Secretary (Ralph) Recto, can you spare the health funds dito sa pagwawalis mo (ng sobrang pondo)? Spare the health funds,” pakiusap niya.

Sinabi ni Sen. Go na maraming pasyenteng nahihirapang makakuha ng mahahalagang serbisyo gayong may malaki palang reserbang pondo ang PhilHealth:



“Ang dami po mga benefit packages… I’m sure, sa nakikinig na mga doktor dito, ang daming request na sana naman i-increase naman itong mga benefit packages namin.”

Bilang tugon, nilinaw ni Sec. Recto na ang legal na awtorisasyon para sa mga aksyon ng DOF ay nagmula sa Republic Act No. 11975, o ang General Appropriations Act of 2024.

Ang pangongolekta aniya ng hindi nagamit na pondo mula sa GOCCs, kabilang ang PhilHealth, ay upang suportahan ang paglago ng ekonomiya.

Hinggil sa planong paglilipat ng P90 bilyon sa National Treasury mula sa PhilHealth, tiniyak ni Recto na hindi sabay-sabay na mawi-withdraw ang pondo. Tiniyak niya na ang PhilHealth ay nananatiling financially stable at may sapat na benefit chest fund.

May natitira aniyang P500 billion benefit chest fund ang PhilHealth na labis-labis at kasyang-kasya sa mga bayarin para sa multi-year claims.

Kinumpirma naman ito ni PhilHealth president Emmanuel Ledesma na nagsabing patuloy ang kanilang pagsisikap na mapahusay ang package benefits para sa lahat ng mga miyembro ng PhilHealth.

Gayunman, kinuwestiyon ni Go kung bakit may mga sobrang pondo sa PhilHealth na dapat ay ginamit para mapabuti ang mga benepisyo para sa mga pasyente.

Hindi niya matanggap ang katwiran sa likod ng paglilipat ng P90 bilyong pondo sa ibang layunin kung maaari itong makatulong sa mga serbisyo ng PhilHealth.

“Puntahan n’yo ‘yung mga hospital, kung hindi ka ba dumugin doon sa mga hospital billing. Subukan n’yo lang po. Samahan kita,” ang hamon ni Go kay Ledesma.

Iginiit ni Go sa PhilHealth na gamitin ang pondo nito nang epektibo at bawasan ang financial burden ng taumbayan.

“Marami po mga pasyente, naghihingalo. Pasyalan niyo po ‘yung mga ospital. Dami talagang namamatay na walang pambayad, uuwi na lang po. Kawawa talaga,” ayon kay Go.