Advertisers
KUNG ano ang dahilan at sinuway ni Lucena Police Chief LtCol. Dennis De Guzman ang utos ni Mayor Mark Don Victor Alcala na walisin ang tatlong paihian/burikian sa kanilang siyudad na napakatagal nang inirereklamo ng mga residente ay tanging si hepe lamang ang nakakaalam?
Marahil ay nakalimutan o sadyang binalewala ni De Guzman ang nilalaman at nakasaad sa National Police Commission (NAPOLCOM) Memorandum Circular No. 2002-011 na pinagtibay noong October 11, 2002 kung kailan binigyang diin ng naturang ahensya ang kapangyarihan ng mga city at municipal mayor lalo na sa Sec. 51 ng R.A . 6975 sa inamyendahang Sections 62 – 64 ng R.A. No. 8551.
Nabatid ng mga KASIKRETA na may ilang araw pa lamang ang nakararaan ay inatasan ng butihing alkalde si De Guzman na lansagin ang paihi/buriki operation nina alyas Amigo sa kahabaan ng Ecotourism Road, Brgy. Ibabang Talim, Bong sa Brgy. Isabang at Troy sa Brgy. Salinas ng naturang lungsod. Ngunit sa halip na ipatigil, ipagiba ang mga naturang burikian at arestuhin ang mga ilegalista ay tanging ang kuta lamang ni alyas Amigo na ipinagyayabang na kumpare niya si Mayor Alcala ang ipinasara ng mga operatiba ni De Guzman.
Hindi na nga sinunod ang atas ni Mayor Alcala ay may nakapagbalita pang ilang residente na nakitang kinausap ng mga naka-sibilyan at unipormadong pulis ang buriki operator na si alyas Bong, na nagkukuta sa likuran ng RoadSide In, Brgy. Isabang, Lucena City.
Pagkaraan ng halos ay may isang oras na pag-uusap ay pumasok sa loob ng nababakurang paihian/burikian ang naturang ilegalista at ang mga pulis at nagkakasayahang umalis din doon sakay sa kanilang mga behikulo, kabilang ang isang mobile car.
Ang naturang mga pulis-matulis operative din ang namataan na nakipag-usap kay alyas Troy, operator ng paihian/burikian sa isang malawak na taniman ng palay sa Brgy. Salinas noong bandang tanghali ng August 18, 2024. Halos ay may isang oras din na nag-usap ang mga pulis at si Troy sa loob ng nababakurang kuta at saka masasaya ding umalis sakay sa dalawang behikulo, isa dito ay mobile car ng Lucena City Police Office.
Sina alyas Bong at alyas Troy ay hindi lamang nagpapaihi, nagpapatulo ng petroleum product at nagpapasingaw ng Liquified Petroleum Gas (LPG,) kundi nagpapanakaw din sa kanilang mga alipores ng milyones na halaga na C.N.O, ang sangkap ng edible at cooking oil na kargamento ng mga capsule truck mula sa maraming oil mill sa Lucena City, Bicol Region at Metro Manila.
Ang matindi pa, sina alyas Bong at Troy ay tulad din ni alyas Amigo na pawang mga tauhan ng natoryus na si alyas Goto na kabilang sa mga lider ng Bulacan at Bataan based Violago Group na ginagamit ang kanilang kuta bilang imbakan ng di lisensyadong baril at pambentang droga na shabu na matagal na din nilang kinakalakal sa ibat ibang mga bayan, siyudad sa Quezon at mga karatig na probinsya.
Sina Bong at Troy ay kumalas sa tanikala ng sindikatong Violago may dalawang taon na ang nakaraan at nagtayo ng kani-kanilang grupo sa naturang mga barangay na hurisdiksyon nina Mayor Alcala at Quezon Governor Angelina “Helen” Tan.
Pagkat garapal at bulgar ang operasyon ng tatlo (Amigo, Bong at Troy) ay uminit na ang opinyon ng publiko, mga banat ng mga mamamahayag at puna ng mga concerned citizen laban sa kanila, kaya’t bilang tugon ni Mayor Alcala ay iniutos nito kay De Guzman na agarang patigilin, arestuhin at kasuhan sina Amigo, Bong at Troy at ipagiba ang mga nababakurang kuta ng mga ito.
Ngunit sa halip na sundin ang atas ng alkalde ay patagong kinausap lamang ng mga pulis sina Bong at Troy at matapos ang masinsinang usapan ay masayang umalis ang mga ito at hinayaan na ipagpatuloy ang mga kabulastugang pinaggagagawa ng mga nabanggit na ilegalista.
Upang lumiltaw na kunwari ay umaksyon ang mga pulis ay ipinagiba ng mga ito ang kuta ni alyas Amigo ngunit hindi naman ito kinasuhan. Hindi natin sinasabing baka nagkaroon ng “cash-unduan” o nagpapataas lamang ng tara sina De Guzman kina alyas Bong, Troy at Amigo o dili kaya ay “pinaiikot” lang nila ang kanilang alkalde. Kung anuman ang libu-libong dahilan nina LtCol. De Guzman at ng kanyang mga pinagkakatiwalaang operatiba ay sila lamang ang nakakaalam?
Upang hindi naman mapagdudahang may kinalaman din sa mga kaaliwaswasan sa Lucena City ang anunsyadong mapapalitan na sa pwestong si Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte ay marapat na umaksyon na ito at huwag na niyang antayin pa na sina PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas at PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil pa ang magpadala ng mga operatiba sa naturang siyudad at posasan sina Bong, Troy at Amigo. Baka madamay pa sina De Guzman, ang kanyang intel chief at mga operatiba?
Isabay na din niyang lipulin ang mga peryahan na pulos sugalan (pergalan) sa kanilang hurisdiskyon lalo na ang nasa kalapit ng Puregold-Sariaya na front din ng bentahan ng shabu at dinadayo maging ng mga sugarol, drug addict at pusher. Gayunman walang aksyon laban dito sina Sariaya Mayor Marcelo P. Gayeta at Police Chief Lt. Col. Carlo Caceres. Abangan ang karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144