Advertisers
Tinalakay ni OFW Party List Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang kasalukuyang estado ng pampublikong transportasyon, partikular ang MRT-3, sa budget briefing ng Department of Transportation (DOTr) ngayong araw.
Ang kanyang paghihimay sa budget ng DOTr ay bahagi ng kanyang adbokasiya sa pagpapabuti ng pangkalahatang sistema ng transportasyon sa bansa na malaking papel ang ginagampanan sa labor migration.
Sa kanyang interpelasyon, tinanong ni Rep. Magsino ang natitirang bayarin ng DOTR sa MRT-3 kaugnay ng pagtatapos ng “Build-Lease-and-Transfer” (BLT) agreement sa July 2025, at ang isyu ng kakulangan sa supply ng Stored Value Cards (SVCs) o Beep cards na nagdudulot ng abala sa mga mananakay.
“Bakit nagkakaroon ng shortage ng supply ng SVCs? May historical data ba at hindi ba napro-project naman ang increase sa demand ng SVCs batay na rin sa volume ng ridership ng MRT3?”, tanong ni Cong. Magsino.
Ipinahayag ni Assistant Jorjette Aquino na namumuno sa MRT-3 na ito ay dahil hindi na sapat ang pondong nakalaan para sa SVCs. Noong 2018 ay mayroong budget para sa 450,000 cards subalit bumaba ang allocation noong 2023-2024 at sapat na lamang ito sa 200,000 cards.
Dahil dito, hindi kayang punuan ng supply ng SVCs ang demand lalo na’t ang average na bilang ng mga pasahero ng MRT-3 araw-araw ay umaabot sa 450,000.
“Sabi ng isang dating OFW na ating nakausap ay minsan bumibili sila sa “scalpers” ng SVCs dahil walang available sa MRT stations. Syempre, ang laki ng patong. Kawawa naman ang ating mga mananakay. Dagdag abala ito sa kanila.”, sabi ni Rep. Magsino.
Bilang tugon sa problemang ito, iminungkahi ni Rep. Magsino na taasan ang pondo ng ahensya para sa susunod na taon.
“Kung kulang po ang budget upang masiguro ang steady supply ng SVCs, ako po ay nananawagan na dagdagan po ito para sa procurement ng SVCs. Priority ito dahil para ito sa kapakinabangan ng mga pasahero ng MRT-3 na maraming mga pangkaraniwang mamamayan ang umaasa sa public transport na ito, kasama na po ang ating OFWs at kanilang pamilya.”, aniya ni Rep. Magsino.
Ininspeksyon kamakailan ni OFW Party List Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang MRT-3. Ito ay kasunod ng kanyang inisyatiba sa OFW Lounge sa NAIA 1 at 3 para sa air transport, at sa pagsusulong sa Magna Carta for Seafarers para sa maritime sector. (Cesar Barquilla)