Advertisers
NAKAKAGULAT ang ginawang pagbubunyag ni Lt Col. Jovie Espenido, ang “Poster Boy” ng Duterte war on drugs nang walang takot nitong sabihin na “PNP is the biggest crime group in the country” at itinuro ang ilang malalapit na tagasunod ng kanyang big boss Presidente Digong na si dating PNP Chief na ngayon ay Senador Bato Dela Rosa na siyang nasa likod ng sindikato.
Si Espenido ang isa sa mga pinagkakatiwalaang police official ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at naging tagapagpatupad sa kanyang inilunsad na madugong “War on Drugs” kasunod ng pag-upo nito sa kanyang pwesto noong 2016.
Mahigpit namang pinabulaanan ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil ang paratang ni Espenido sa ginaganap na Quad Congressional Inquiry at aniya kung totoo mang may mga scalawag sa kanilang hanay ay hindi lahat kundi iilan lamang.
Upang makabawi ang higit sa 228,000 na opisyales at miyembro ng PNP sa kanilang pangit na imahe ay kailangang ipakita ni PDGen. Marbil na hindi mangyayari ang tulad sa akusasyon ni Espenido sa ilalim ng kanyang pamumuno at hindi hindi nito pababayaang masangkot sa mga gawaing kriminal ang kanyang kapulisan.
Unahing sampolan dapat ni Marbil ang Violago Group, ang sindikato na responsable sa malawakang oil, petroleum smuggling, paihi/ buriki at drug trade na nag-ooperate sa mga lalawigan ng Region 3, Metro Manila at ilang mga probinsya ng CALABARZON. Pinaniniwalaang protektado ng maraming police official ang sindikatong pinamumunuan nina alyas Goto, Bogs at Cholo.
Ang pinakamatibay na kuta ng sindikato ay sa Lucena City na pinatatakbo nina alyas Bong na nagkukuta sa likod ng Road Side In Motel sa Brgy. Isabang at Troy na ang kuta ay nasa tabi ng highway sa malawak na palayan sa Brgy. Salinas. Parehong nasasakupan ni Lucena Police Chief LtCol. Dennis De Guzman ang mga naturang paihian na iniuulat pang imbakan ng shabu at di lisensyadong baril ng sindikato.
Iniutos ni Lucena City Mayor Mark Don Victor Alcala na ipatigil ang operasyon, arestuhin at kasuhan sina Bong at Troy ngunit duda ng mga residente ay tila drama o moro-moro lamang ang “stop paihi/ buriki order” ni Mayor Alcala?
Garapalan pa din ang pagpapanakaw ng dalawang naturang ilegalista ng mga CNO, edible at cooking oil at maging ng white product (gasolina, krudo at gas) sa mga tanker at capsule truck na ipinahaharang ng mga ito sa kanilang mga alipores.
Sina Bong at Troy ay ilan lamang sa mga dummy ng sindikatong Violago na ang malalaking kuta ay nasa Bulacan at Bataan at iba pang panig ng hurisdiksyon ni Region 3 PNP Director BGen. Jose Hidalgo Jr.
Sa Brgy. San Luis sa bayan ni Guinyangan Mayor Ma. Maridien Isaac ay hindi din tinitinag ng kapulisan ang operasyon ng paihian at pasingawan ng LPG ng mag- partner na Sammy at Alfred.
Kataka-takang wala ding aksyon laban sa mga ito sina Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte na napapaulat na baka mapalitan na sa kanyang pwesto. Maging si Governor Angelina “Helen” Tan ay hindi din kumikilos laban sa mga nabanggit sindikato na nag-ooperate sa kanyang lalawigan gayong ipinagyayabang ng mga naturang ilegalista na pinopondohan ng mga ito ang election fund ng gobernadora? Makasisira ang mga ito hindi lamang kay Gov. Tan, kundi maging kay Col. Monte at sa buong pamunuan ng PNP.
Suhestiyon ng SIKRETA, kung ayaw na masibak ni Col. Monte ay lipulin nito ang mga paihi/buriki maintainner sa kanyang hurisdiksyon pati na ang mga inirereklamo ng mga peryahan na pulos sugalan (pergalan) tulad ng nasa kalapit ng Puregold-Sariaya na front din ng bentahan ng shabu.
Dinadayo ang mga pasugalan na may shabuhan ng mga sugarol, drug addict at pusher. Gayunman wala ding aksyon laban dito sina Sariaya Mayor Marcelo P. Gayeta at Police Chief Lt. Col. Carlo Caceres.
Sa Brgy. Bancal, Carmona City ay hayag din ang paihian/burikian at pasingawan ng LPG ng isang Amang at Goto, ngunit dedma lang ito kina Mayor Dahlia Loyola at PLTCOL Jefferson P. Ison.
Malapit naman sa gate ng Batangas City Pier, Brgy. Sta. Clara ang paihian din ng petro product ng isang DDS PNP colonel at bodyguard nitong fake Sgt. Buloy. Sila rin ang nagpapatakbo ng byahe ng colorum van at illegal terminal sa loob ng pier compound. Mukhang walang alam o nagtatanga-tangahan yata sa operasyon ng nabanggit na ilegalista sina Batangas City Police Chief LtCol. Jephte Banderado at ang ilang port official?
May 15 kuta ng paihi sa mga probinsya ng Bataan, walo sa Bulacan at iba pang panig ng AOR ni Region 3 PNP Director BGen. Jose Hidalgo Jr. ang sindikatong Violago. May kuta pa ang sindikato sa Taguig City, Quezon City at Maynila. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144