Advertisers
Ni Archie Liao
ISANG karangalan ang inihatid ng Fil-Chinese actress na si Rebecca Chuaunsu sa bansa nang masungkit niya ang best actress award sa nakaraang Wu Wei Taipei International Film Festival sa Taiwan.
Nanalo siya sa pagganap bilang isang babaeng may dementia para sa pelikulang “Her Locket” na kalahok sa 2024 Sinag Maynila Film Festival.
Sa obra na idinirehe ni J. E. Tiglao, tinatalakay kung paano mas pinapaboran ang mga kalalakihan sa mga kababaihan sa isang lipunang patriarkal maging sa Chinoy communities kasama na sa usaping may kinalaman sa hatian ng mana.
Ayon pa sa premyadong actress, noong una raw ay binalak niyang gawing kuwento ng paghihiganti ang nasabing obra ni J. E. Tiglao.
“But going through the research, and the materials, and telling the story with Direk J.E Tiglao, sometimes it’s painful,” aniya.
Paglalahad pa niya, bago raw nila gawin ang pelikula ay kumonsulta muna sila sa kanyang abogado na kasama sa cast ng pelikula.
“Actually, I bring my real life lawyer here who’s also in the cast. At the same time, we have a disclaimer. Not all parts will be biographical,” paglilinaw niya.
Hindi rin niya ikinaila na nahirapan siyang gumanap sa isang complex role ng isang babaeng may dementia sa kanyang first starring role in a movie.
“I was scared because I don’t have dementia yet so I researched and interviewed a lot of dementia patients, basically they’re my aunties and my older sister. I talked with them and they did not know that I was doing a research on the subject. We have also coaches provided by my director who supervised me on the set,” deklara niya.
Sobra rin daw siyang na-challenged dahil bukod sa producer siya rin ang lead star sa movie.
Bukod sa Wu Wei Taipei International Filmfest, nauna nang nanalo ng kanyang first international best actress award si Rebecca sa naturang movie sa 2023 Festival International du Film Transsaharien de Zagora sa Morocco.
Ayon pa kay Rebecca, ang pelikula ay love letter niya sa mga kababaihang Chinay.
Ang “Her Locket” ay kuwento ni Jewel Ouyang, anak ng mayamang angkan ng mga Chinoy na nagkaroon ng dementia at kung paanong ang isang locket ay magiging instrumento para magbalik ang kanyang alaala.
Tampok din sa pelikula sina Boo Gabunada, Sophie Ng at Benedict Cua. Kasama naman sa supporting cast sina Francis Mata, Jian Repolles, Tommy Alejandrino, Zoey Villamanca, Norman Ong, Nellie Ang See, Atty. Kesterson Kua at marami pang iba.
Kalahok sa full length film category ng Sinag Maynila filmfest, ang pelikula ay mapapanood sa mga piling sinehan mula Setyembre 4 hanggang 10.