Advertisers
BINIGYAN-DIIN ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bawal o iligal ang pag-empleyo ng mga menor de edad bilang kasambahay.
Sinabi ni DOLE Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) Director Ma. Karina Perida-Trayvilla, istriktong ipinagbabawal ang pag-empleyo sa mga menor de edad o yung mga nasa edad 15 pababa bilang domestic workers dahil kinokonsidera itong isang malinaw na uri ng child labor at exploitation.
Batay sa October 2019 survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi ni National Wages and Productivity Commission (NWPC) Executive Director Maria Criselda Sy na 1,400,132 ang domestic household workers sa bansa.
Sa bilang na ito, 4 percent o mahigit sa 40,000 sa mga ito ang child domestic workers na nasa edad18 pababa at mababa sa 1 porsyento o 5,000 ang 15 years old pababa.
Nagpakita rin ng kaparehong istatistika ng mataas na insidente ng child domestic labor sa sector ng kababaihan kung saan 95.2 % o 4,732 ang babae at 4.8% o 237 ang lalaki.
Sa kabilang banda, pinaigting din ng Kagawaran ang pagsubaybay sa pagsunod ng mga employer sa batas ng kasambahay, partikular sa minimum na sahod na itinakda ng DOLE-NWPC.
Ipinaalala ni Trayvilla sa mga employer na ang kasambahay na nakategorya ngayon bilang mga pormal na sector ng mga manggagawa ay dapat na nakarehistro sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG at karapat-dapat na magkaroon ng 24 oras na pahinga kada linggo at taunang service incentive leave with pay.
Importante rin aniyang may contract of employment o written agreement sa pagitan ng kasambahay at kanilang employer na nakasaad ang trabaho at benepisyo ng domestic worker. (Jocelyn Domenden)