Advertisers

Advertisers

Bakit bigo ang pakikibaka laban sa katiwalian?

0 41

Advertisers

SA kabila ng sinasabing napakaraming reporma, pagbalasa at pagpapasa ng mga batas na may ipinapataw na napakabigat na parusa, hindi pa rin nababawasan, lalo pa yatang tumitindi at yumayabong ang graft and corruption?

Alam na natin ang sagot dito: Dahil ang mga taong nagpapatupad ng reporma, kungdi inutil ay protektor o namumuno sa katiwalian.

At bakit nila ginagawa ito: Iisa rin lamang ang maaaring isipin, sila ay nakikinabang sa umiiral na graft and corruption. Kahit alam nila na mahalay na pakinabang ang natatanggap nila mula sa katiwaliang ito, ang umiiral ay kasakiman sa salapi at impluwensiya.



Kulang sa tapang ang mga opisyal ng pamahalaan na kalabanin ang kabulukan at walang puknat na pagsisinungaling at pagtatakip sa kasamaan dahil umiiral ang matinding inggit at panghihinayang — na kung iiwan nila ang pagtangkilik sa tiwaling pakinabang, sila ay parang nalulugi at mamamatay sa inggit sa mga kasamang sasalo sa pagtatamasa ng bawal na bunga ng katiwalian.

Mga halimbawa repapits, ang mga Kongresista na paulit-ulit na nahahalal at nanalo sa eleksyon, di po ba? Sa mga tinanggap at tinatanggap nilang pork barrel na ang terminolohiya o tawag ngayon ay “line-item appropriations” o “budgetary allocation” or “fund insertions” (huwag na ang suweldo), mga perk at iba pang benepisyo, aabot marahil ‘yon sa trilyong piso.



May nakita bang pakinabang para sa sambayanan ang salaping patuloy na itinutustos ng Sambayanang Pilipino sa mga Kongresistang ito na sa buwisit ng mga tao ay nagkakasya na lamang sa pagtudyo at paglibak sa pagtawag sa kanila na mga ‘Mambubutas’.

Ang bayan nga ba talaga ang kanilang kinakatawan, pinaglilingkuran at ipinakikipaglaban?



Maaaring maglahad sila ng kung ano-anong batas na pinagtibay nila sa Kongreso, pero may naidulot bang ginhawa ito sa karaniwang mamamayan partikular sa mga mahihirap nating kababayan.

‘Yang EPIRA law (The Electric Power Industry Reform Act) na sinasabing magpapagaan sa bayarin natin sa mataas na presyo ng koryente. Sa halip na bumaba ang electric bill natin, napakataas na nito para isumpa na natin ang mga ‘mambubutas’ este mambabatas na nagpasa at nagpatibay nito.

‘Yang Privatization law, ‘yang EVAT (expanded value added tax) at iba pang batas, ang mga ito’y krus na pinapasan nating lahat na mahihirap.

‘Yang Oil Deregulation law at iba pang batas na nagpapataw ng dagdag na buwis at parusa sa bayan, ang mga ito’y ginastusan ng karaniwang si Mang Juan at si Aling Maria para maging batas.

May mga mambabatas na panay ang pagtuligsa at pagbatikos sa mga kabulukan sa Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue at marami pang iba pero sinasabihan ba nila ang mga kaibigan nila sa mga ahensyang ito na magbayad ng tamang buwis?

May ilang tao sa gobyerno na ang mga salitang lumalabas sa kanilang bibig ay nagpapahamak at naglalagay sa paghihirap at panganib sa bayan, tama po ba, mga kababayan ko?
***
Ano ba talaga ang tamang approach o strategy laban sa hndi mapigilang paggawa, pag-importa at pagbebenta ng ilegal na droga?

May mga weird o nakapangingilabot na mungkahi tulad na yun daw nakukumpiskang illegal drugs ay ibalik sa kalsada, haluan ng lason, cynide o ng kamandag ng ahas, para mapatay na ang mga adik.

Kung makapaghahasik ng takot sa mga sugapa, matitigil na ang pagsinghot at pagtikim ng bawal na gamot.

Ipataw ang death penalty — agad ipatutupad pag nahatulang guilty ang akusado, lalo na kung ang kasangkot ay law enforcers, taong gobyerno, at kung dayuhan, tulad ng ginagawa sa Middle East countries at sa China, isa o dalawang linggo lang na maikulong matapos ang final judgement, sa harap ng publiko, pasabugin ang bungo nang hindi tularan at maging sampol sa mga narco-traffickers.

Ang problema, tiyak kokontra rito ang Simbahan at siyempre ang mga nakikinabang sa multi-bilyong droga na kung may magpapanukala sa Kongreso at Senado, tiyak na magpapabaha ng paldong salapi upang kontrahin ang ganitong “marahas” na parusang kamatayan.

Sinubukan na kasi ang apat na hakbang — prevention o pagpigil sa krimeng ito; may ginawa pang pagsasama-sama ng iba-ibang ahensiya ng PNP-PDEA, PNP, korte at mga samahang sibiko para labanan ang narco-trafficking at narco-politics pero naririto pa ang salot na ito.

Treatment o rehabilitation, ginawa na rin, pati ang malupit na enforcement (dito ay may mga kasong hinaharap si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) dahil daw sa extra judicial killings o murder sa mga “inosenteng” tulak, adik at iba pa, pero wala raw naman nahuhuling bigtime narcotraffickers.

E, asan ba ang mga put!*?$# mga ito, nasa abroad, nakatago sa de-bakod, naguguwardiyahang village at ang paratang, may mga padrinong politiko, law enforcers, piskal, judge at may kasapakat sa media.

Ano nga ba ang tamang approach, mga bossing?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com