GM TORRE DAGDAG NINGNING SA 4TH CONG. DUJALI NAT’L & RAPID CHESS OPENING
Advertisers
PANAUHING pandangal ang unang Grandmaster ng Asia na si Eugene Torre sa pagbubukas ng 4th Cong. Alan R. Dujali Nat’l Chess Open Rapid Chess Tournament sa Payag Grill & Folk House, Ma. Claria Resorts compound,Panabo City ngayong Sabado, Setyembre 28, 2024.
Ang 2-araw na event (Sabado at Linggo) na may laan na kabuuang PHP700,000 premyong salapi ay nagtatampok ng team, individual open, youth (18, 16, 14 at 10 years old and below) divisions.
Ang mga nagparehistro ng kanilang mga koponan ay sina GM Darwin Laylo; National Masters Henry Roger Lopez, Glennen Artuz, Keith Adriane Ilar at Giovanni Mejia.
Kabilang sa mga entry sa youth division sina Beatrice Aton, Aaron Aton, Jerome Pullos, Jared Roann Marayag at Lorraine Faye Segarra.
Binigyang-diin ni International Arbiter James Infiesto, ang tournament Chief Arbiter, ang pangangailangang isulong ang chess lalo na sa mga kabataan habang pinapadali ang pagpapaunlad ng kakayahan at kumpiyansa ng mga manlalaro.
“Bahagi ng pagkakaloob ng suporta sa ating mga atleta ay ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataong makita ang mga taong nagbibigay inspirasyon sa kanila,” sabi ni Infiesto kung saan ang mga kalahok ay may pagkakataon maka daupang palad si chess icon Torre.
Si Torre ang una sa Asia na nakakuha ng titulong GM noong 1974.
Naglaro siya para sa Philippine Olympiad team ng 23 beses, na nanalo ng tatlong indibidwal na medalya sa board one: silver sa Nice (1974) at bronze medals sa Malta (1980) at Dubai (1986).
Noong 2021, napabilang si Torre sa World Chess Hall of Fame. Sa isang torneo sa Maynila noong 1976, si Torre lang noon ang nakatalo sa dating naghaharing World Champion na si Anatoly Karpov sa isang laro na naging bahagi ng kasaysayan ng chess ng Filipino. Noong 1982 nakakuha siya ng puwesto sa World Chess Championship candidates matches, kung saan natalo siya kay Zoltán Ribli. Nagsilbi siya bilang pangalawa ni Bobby Fischer noong 1992 laban kay Boris Spassky sa Yugoslavia.
Kasalukuyan siyang naglalaro para sa Rizal Towers ng Professional Chess Association of the Philippines(PCAP).
Ang kompetisyon ay bahagi ng grass roots chess development program ng lungsod at inorganisa ni tournament director National Arbiter Darwin Bermudez sa todo-suporta ni Cong. Alan R. Dujali.