Advertisers
SINIGURO ni Taguig-Pateros 1st District Representative Alan Peter Cayetano sa mga residente at pinuno ng mga lokal na pamahalaan ng Batangas at Laguna na ang administrasyong Duterte ay nagsisiikap sa abot ng kanilang makakaya upang pabilisin ang pagpapaabot ng tulong at rehabilitasyon sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Ulysses.
Hinikayat din ni Cayetano ang mga lokal na opisyal na gawin ang lahat ng aksyon upang maibigay ang tulong na kinakailangan ng kanilang mga nasasakupan na nakaranas ng hirap mula sa epekto ng bagyo at ng COVID-19.
Sa kanyang pagbisita sa bayan ng Balayan at Laurel sa Batangas at Paete sa Laguna noong Disyembre 4 (Biyernes), binigyang-diin ni Cayetano ang halaga ng sama-samang pagkilos ng mga tao at opisyal para tulungan ang bawat isa na makabangon muli.
Tinulungan ni Cayetano ang mahigit 1,200 pamilya sa Balayan, Laurel, at Paete bilang parte ng kanyang programang “Bayanihan Caravan” na naglalayong mag-organisa ng mga tulong na sinusuportahan ng mga pribadong indibidwal na namimigay ng donasyon para makapag-pagaan sa kondisyon ng mga pamilyang apektado ng baha, bagyo at iba pang trahedya.
Sa kanyang pagbisita sa Batangas, nakipagkita rin si Cayetano kina Rep. Ma. Theresa Collantes, Rep. Eileen Buhain, Balayan Mayor Emmanuel Fronda II, Laurel Mayor Joan Amo, Vice Mayor Rachelle Ogalinola, Councilor Carlito Ogalinola, San Nicolas Mayor Lester de Sagun, at Agoncillo Mayor Dan Reyes para pag-usapan ang mga kailangan ng kanilang mamamayan.
Sa Paete, mahigit 380 na pamilya at 220 front-liners ang nakakuha ng grocery packs mula sa grupo ni Cayetano, na malugod namang tinanggap nina Rep. Benjamin Agarao Jr., Mayor Rojilyn Bagabaldo, at Vice Mayor Kid Paraiso.
Sa kanyang talumpati, binalikan ni Mayor Amo kung papaano tumulong si Cayetano sa Laurel noong Enero nang sumabog ang bulkang Taal, at noong Pebrero nang inanunsyo ng bayan ang kauna-unahang kaso ng African Swine Fever, at noong Marso nang malagay sa state of health emergency ang bansa, at sa pagdaan ng bagyong Ulysses sa Batangas.
Sa kanyang talumpati, siniguro ni Cayetano sa mga residente na hindi sila nakalimutan ng gobyerno at ipinaliwanag ang mga ginawa ng House of Representatives para maipasa ang batas na magtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR), na naglalayong mapalakas ang kapasidad ng pamahalaan na maipatupad ang rehabilitasyon.
Mula Nobyembre, nabisita na ng Bayanihan Caravan ang mga lugar na naapektuhan ng bagyo tulad ng nga komunidad sa Camarines Sur, Albay, Bulacan, Rizal, Marikina, Batangas, at Laguna.
Sa ngayon, mahigit 6,000 indibidwal — kasama ang 3,314 miyembro ng mga grupo sa transportasyon, mga nagtitinda at mga front-liners — at 11,858 pamilyang mga nakatanggap ng pagkain sa nasabing proyekto.