Advertisers
Nasawi ang dalawang taong gulang na batang babae nang masagasaan ng minamanehong pick-up ng kapitbahay sa Tondo, Maynila.
Ayon sa CCTV makikita ang paglalaro ng mga bata sa Masinop Street, hanggang sa maglakad ang batang si Jaiza mula sa bahay ng kaniyang lolo.
Papatawid na ang bata sa kalsada nang masagasaan siya ng naturang pick-up.
Bumagsak ang 2-anyos sa kalye hanggang sa tuluyang magulungan ng sasakyan.
Base doon sa ating driver at makikita naman sa CCTV, napakataas nitong sasakyan, at ‘yung bata kasi, napakaliit. Hindi napansin nitong driver na iyong bata ay nandito sa harapan ng sasakyan at noong umalis siya, nasagasaan niya itong bata… Nahaharap [siya] sa kasong reckless imprudence resulting in homicide,” sabi ni Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District.
Isinugod sa ospital si Jaiza ng mismong driver na nakasagasa sa kaniya ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Nanlumo ang ina ni Jaiza dahil itinuturing na miracle baby ng kanilang pamilya ang bata.
Ayon sa kaniya, lumabas lang siya noon para bumili ng pagkain.
“Pagbalik ko, wala nang buhay ‘yung anak ko. Inaamin ko naman po, may kapabayaan din po kasi iniwanan ko ‘yung anak ko. Pero hindi ko naman po ginustong mangyari sa anak ko ‘yun eh. Hindi naman ganu’n kadali para pagbayaran nila ‘yung buhay ng anak ko eh. Tatapatan lang ako ng pera?” sabi ni Alyza Najera, ina ng biktima.(Jocelyn Domenden)