Advertisers
IPINAPA-REVOKE sa lalong madaling panahon ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police (PNP) ang lisensya ng mga baril ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa gitna ito ng patuloy na pagtugis ng mga awtoridad kay Dela Rosa dahil sa inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
Huling namataan si Dela Rosa sa CCTV footage ng Senado 2:30 ng madaling-araw ng Mayo 14, 2026, kungsaan sumakay siya sa Fortuner na puti na may plakang DAV 1225 at nakarehistro sa pangalan ni Sen. Robin Padilla.
Sa pahayag ni DOJ Sec. Fredderick Vida sa isinagawa niyang press conference nitong Martes, Mayo 26, sinabi niyang inaasahan na niya noon pang Lunes, Mayo 25, ang pagre-revoke sa lisensya ng mga baril ni Dela Rosa.
Base kasi sa mga kumalat na ulat, aabot sa humigit-kumulang 100 ang firearms ni Dela Rosa, dahilan para ituring din ng National Bureau of Investigation (NBI) na “armed and dangerous” ang senador.
“I expect that the PNP should have done that yesterday and I gave a call to the PNP,” sabi ni Vida.
Aniya, isang pribilehiyo nalang na maituturing ang lisensya ni Dela Rosa sa kabila narin ng arrest warrant ng ICC laban sa kaniya.
“Basically there is an arrest warrant and the PNP gun ownership and having a license to gun ownership is not a right but a privilege,” aniya.
Dadag pa niya, “Anytime, the state, the republic, should not be have its tools and its mechanism is limited.”
Pagpapatuloy ni Vida, makikipag-usap siya kay PNP Chief, General Jose Melencio Nartatez, Jr., para matanggal na ang lisensya ng mga baril ni Dela Rosa sa lalong madaling panahon.
“I’ll talk to Gen. Nartatez about that and I expect that it should be revoked as soon as possible,” diin ng kalihim.
Matatandaang mariing dinepensahan ng tumatayong legal counsel ni Dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc ang naging pahayag ng NBI na siya ay “armed and dangerous” habang patuloy ang paghahanap sa kaniya ng mga awtoridad.
Sinabi ni Bondoc noong Mayo 24, walang katotohanan ang paglalarawan kay Dela Rosa, at ang NBI raw ang tunay na armado at mapanganib dahil sa mga armado nitong opisyal na nag-e-enforce ng warrant ng ICC kahit hindi pa raw ipinapakita ng kopya nito sa kanilang mga abogado ng senador.
“We strongly and categorically deny that Senator Bato is armed and dangerous,” aniya.
“It is the NBI that is armed and dangerous because they are using armed personnel to enforce a warrant that has not been shown to us and has not been processed by domestic competent judicial authority,” dagdag pa ni Bondoc.
Samantala, pormal naring hiniling ng NBI sa PNP ang agarang pagkansela ng firearms license ni Sen. dela Rosa.
Batay sa liham ng NBI na nilagdaan ni NBI Director Melvin Matibag para kay PNP chief General Jose Nartatez Jr., hiniling nito ang utos na pagsuko ng senador sa kanyang 118 rehistradong baril sa loob ng 48 oras mula sa pagtanggap ng abiso.
Kabilang sa mga ito ang matataas na uri ng armas tulad ng mga semi-automatic at select-fire rifle, UZI submachine gun variant, high-powered .338 caliber rifle, battlefield-grade shotgun, at handgun.
IInihayag ng NBI na maaaring mailagay sa panganib ang mga law enforcement officer na magsisilbi ng warrant of arrest mula sa ICC habang nananatiling legal na hawak ni Dela Rosa ang mga naturang armas.