Advertisers
Inendorso ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales si Marikina Rep. Stella Luz Quimbo bilang susunod na alkalde ng Marikina, na tinawag niya bilang “bihirang lider na may puso at kakayahan.”
Ayon kay Morales, kinakaharap ng Marikina ang seryosong problema tulad ng lumalaking utang, lumalalang pagbaha, at matinding pressure sa health at education services. Paalala niya, “Hindi ito panahon ng pagsubok-subok lang. Kailangan ng Marikina ang lider na may tunay na alam.”
Si Quimbo, dating commissioner ng Philippine Competition Commission at may-akda ng mga batas tulad ng Universal Healthcare Law, ay hindi kailanman nasangkot sa anumang kaso ng katiwalian, ani Morales.
Dagdag pa ng dating Ombudsman na kilala si Quimbo sa kanyang laban kontra korapsyon, malinis na rekord at dedikasyon sa serbisyo publiko.
“Bihira ang mga lider na tulad ni Stella. Huwag nating sayangin ang pagkakataon,” sabi ni Morales.
Ito ay habang naghahanda ang Marikina sa pagpili ng susunod nitong lider sa gitna ng mga pagsubok.