Advertisers

Advertisers

ISKO, PINALAKAS UGNAYAN NG MAYNILA AT MOSCOW PARA SA TRABAHO, TURISMO AT PAMUMUHUNAN

0 3

Advertisers

Isinapinal ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng Pamahalaan ng Moscow ang isang kasunduan sa kooperasyon na sumasaklaw sa kalakalan, turismo, kultura, edukasyon, at urban development nitong Lunes, Mayo 25. Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang paglagda sa nasabing kasunduan, na ikalawang kasunduan na sa pagitan ng dalawang lungsod mula noong 2023.

Saklaw ng kasunduan ang mga prayoridad na larangan tulad ng turismo, kalakalan, kultura, edukasyon, imprastraktura sa transportasyon, kalusugan, social protection, pangangalaga sa kalikasan, at pampublikong kaligtasan.



Ayon kay Domagoso, direktang makikinabang ang mga residente ng Maynila sa naturang partnership dahil magbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa mga Manilenyo.

“Ang Maynila ay laging lungsod na bukas sa mundo. Sa pamamagitan ng partnership na ito sa Moscow, ipinagdiriwang natin ang kapangyarihan ng kultura at sining upang pag-isahin ang mga bansa at palalimin ang pangmatagalang pagkakaunawaan,” ani Domagoso.



Dagdag pa niya, ang Cooperation Program ay lilikha ng konkretong oportunidad sa turismo, kultura, edukasyon, at kalakalan na makatutulong sa mga residente upang matuto, makapagtrabaho, umasenso, at mas makakonekta sa buong mundo.

Nagbigay rin ng paanyaya ang alkalde sa mga Russian investors at opisyal.



“Palagi kayong malugod na inaanyayahang mamuhunan sa Maynila. Bisitahin ninyo ang aming magagandang lugar na hitik sa kasaysayan at kwento. Halina’t magtulungan tayong bumuo ng mas magandang kinabukasan,” saad ni Domagoso.

Binigyang-diin din niya na ang Maynila, na may tinatayang dalawang milyong residente sa gabi at tatlong milyon sa araw, ay isa sa may pinaka-komplikadong urban environment sa Asya kaya mahalaga ang ganitong uri ng internasyonal na kooperasyon.

Samantala, sinabi ni Moscow Minister for External Economic and International Relations Sergei Cheryomin na unang lumagda sa cooperation agreement ang Moscow at Maynila noong 2023, dahilan upang maging unang Russian region na naging partner ng kabisera ng Pilipinas.

Ang bagong programa ng kooperasyon para sa 2026 hanggang 2028 ay magpapatuloy sa mga joint initiatives sa edukasyon, palitan ng transport data, zoo cooperation, at cultural exchanges kabilang ang performances ng Philippine Madrigal Singers.

Inimbitahan din ni Cheryomin ang Maynila na dumalo sa International Municipal Forum sa Moscow ngayong Nobyembre, kung saan inaasahang dadalo ang mahigit 100 bansa at 500 municipal leaders.