Advertisers
NASAWI ang isa sa escorts ni South Upi Mayor Reynalbert O. Insular at apat ang sugatan nang sumabog ang bombang itinamin habang padaan ang convoy sa South Upi, Maguindanao nitong Linggo.
Kinilala ang nasawi na si Thelmo Divinagracia Sase, 28 anyos; sugatan naman sina John Tumbaga, 30; Christian Sase, 22; Ernesto Debang, 53; at Leonard Betita, 20. Habang ligtas naman ang alkalde.
Sa report, 2:10 ng hapon nang tambangan ang convoy ni Insular habang papauwi na mula sa pamamahagi ng relief aid sa mga pamilyang apektado ng mga away-militar.
Ayon sa ulat, patungo ng Barangay Poblacion Romongaob, South Upi ang alkalde at ang kanyang convoy na kinabibilangan ng PNP at militar nang pagsapit sa Barangay Pandan, 400 meters ang layo mula sa isang CAA Detachment, biglang pinagbabaril ang kanilang sasakyan.
Nagawa pang gumanti ng putok ang mga escort ng alkalde subali’t isa sa mga ito ang namatay at apat ang nasugatan na agad dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Ayon sa mga residente, ang mga umatake ay mga “taga-labas” , hindi mga residente ng lugar.
Nitong Enero 1, nagsilikas ang mga residente ng Barangay Itaw matapos paputukan ang mga bahay nito ng mga umano’y mangangamkam ng lupa.
Pinaniniwalaang parehas na grupo ang nanakot sa nasabing barangay at ang mga tumambang sa grupo ni Insular.
(M. Obleada/G. Bonilla)