Advertisers
NAIS ng Kongreso na labagin ang ruling ng Korte Suprema na gawin sa unang linggo ng Disyembre ng taon ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).
Ang gusto ng Senado ay gawin ang BSKE sa 2027 para sa apat na taong termino ng barangay at kabataan officials. Ang nais naman ng Kamara ay sa 2029 para sa anim na taon na termino, katulad ng sa Senador at Presidente. Ang gulo nila noh?
Aprub na nga sa final reading ng Senado at Kamara ang panukalang suspension ng BSKE ‘25, ang pinagdedebatehan nalang ay ang termino: 4 years ba o 6 years?
Pero lahat nang ito ay nakasalalay sa mga kamay ni Pangulong Bongbong Marcos. Puede niyang ibasura ang mga panukala ng Kongreso at sundin ang kautusan ng Korte Suprema, ang gawin ang BSKE sa Disyembre.
Si PBBM, sa obserbasyon ko sa unang tatlong taon ng kanyang termino ay talagang sumusunod sa batas. Wari ko’y gusto niya maging law abiding citizen, ituwid ang lahat ng pagkakamali ng kanyang mga magulang noon. Kaya malaki ang posibilidad na matutuloy ang BSKE sa Disyembre. Naghahanda na nga ang Comelec, naglabas na ng schedule of activities para sa halalan. At hindi manlang nagsalita ang Pangulo hinggil sa BSKE suspension.
Kaya yung mga tatakbo sa BSKE sa Disyembre, kaway-kaway na sa inyong mga ka-barangay, batiin na ang mga kagalit, at bayaran na ang mga utang para hindi maging isyu sa pagtakbo. Hehehe…
***
‘Hindi ko na mababago ‘yun ugali ko’
Ito ang sinabi ni Pangulong “Bongbong” Marcos sa kanyang podcast na inilabas sa kanyang Facebook page nung Lunes, Mayo 19, matapos siyang sabihan ng beteranong broadcaster na si Anthony Taberna na masyado siyang mabait.
“Pero alam mo siguro dapat nga talaga maging mas mabagsik talaga dahil wala eh. Eh kailangan talagang maging mas efficient,” sabi ni PBBM.
Tiniyak naman ni PBBM na bagamat siya ay mabait ay tatanggalin niya ang mga loko-lokong opisyal ng gobyerno basta’t mayroon siyang matanggap na “validated report”.
“Basta’t may report kami na validated, tanggal ‘yan. Hindi na namin ina-announce pero tanggal ‘yan. Kadalasan. Basta umalis ka na. Kung hindi kakasuhan ka namin, kukulong kita. Umalis ka nalang,” babala niya sa mga bugok niyang opisyal.
Pinagre-resign nga ni PBBM ang kanyang mga gabinete para raw sa “recalibration” ng administrasyon. Ganun?
Kaagad namang tumugon ang matitino niyang cabinet members, habang ang mga sutil ay ‘di kaagad nagsumite ng “courtesy resignation”, nanghihinayang siguro ng milyones na kinikita. Hehehe…
Pero sabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang economic managers ng Pangulo ay hindi pinagbitiw. Siempre naman… dahil kapag sabay-sabay nagsibitiw ang mga ito, malaking problema ng bansa. You know!!!
Teka, may nabasa akong post ni Ramon Tulfo, na ang rason daw ng pagpapa-resign ni PBBM sa cabinet members ay si Barsamin. Gusto raw kasi sibakin ni PBBM si Lucas pero hindi nito magawa, at ang naisip nalang na maging graceful exit ng huli ay ang pagsumitihin ng courtesy resignation ang lahat ng gabinete.
Ang isa pa raw gusto sipain ni PBBM ay si Antonio Lagdameo, ang kanyang Special Assistant.
Sina Bersamin at Lagdameo ay hindi pa nagsusumite ng courtesy resignation habang ginagawa ko ang kolum na ito.