Concerned LGUs, binigyang komendasyon ni Mayor Honey sa pagpapanatili ng kalinisan sa Maynila
Advertisers
BINIGYANG komendasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng kinauukulang local government units sa pagpapanatili ng tradisyon ng kalinisan sa lungsod.
Matatandaan na noong manungkulan bilang alkalde si Lacuna noong 2022, ang kanyang kauna-unahang Executive Order na ipinalabas ay ang pagi-estabilisa ng cleanup campaign sa buong lungsod simula sa City Hall at mga barangay.
Pinasalamatan ni Lacuna si Department of Engineering and Public Works head Engr. Moises Alcantara kung saan ang kanyang mga kawani ay patuloy ang pagsasagawa ng cleanup operations sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod maging hanggang Sabado.
Partikular na binigyang pansin sa cleanup operations ay ang kahabaan ng Quezon Bridge, Liwasang Bonifacio at Lawton Underpass, Plaza Ruiz, Binondo, Plaza Miranda, Lagusnilad Vehicular Underpass mula sa harap ng National Museum hanggang Quirino Avenue, center island mula Quirino Avenue to Remedios Street, Malate, Plaza Sta. Cruz and Plaza Goiti (Plaza Lacson) , Sta. Cruz, McArthur Monument at McArthur Bridge, Ermita, Mel Lopez Boulevard, Aroma center island, Roxas Street, Road-10, Delpan Pier Side, Zaragosa at kahabaan ng Moriones Street, at iba pa.
Kabilang sa regular cleanup activities ay ang flushing at mopping para natanggal ang mga deep-seated dirt, para maging mas madali rin ang maintenance at paglilinis.
Kaugnay pa nito, nanawagan ang alkalde sa lahat ng mga residente na gawin ang kanilang bahagi sa pa- mamagitan ng pagpapanatili ng kanilang kapaligiran na malinis sa lahat ng oras.
“Patuloy ang tulong-tulong na paglilinis ng pamahalaang-lungsod sa mga lugar sa Maynila upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa lungsod. Tuloy-tuloy ang paglilinis kahit Sabado para sa ating pamahalaang lungsod sa pangunguna ng Department of Engineering and Public Works,” saad ni Lacuna.
Idinagdag pa niya na: “Bukod sa pagsasaayos ng paving bricks ng Plaza Sta. Cruz at pagpipintura at paglinis ng perimeter fence ng Plaza Goiti, patuloy din ang pagsasaayos ng McArthur Monument sa McArthur Bridge sa Ermita ng pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pangunguna ng DEPW.” (ANDI GARCIA)