Advertisers
Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang itinutulak niyang pagpapalakas sa healthcare system sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalawak ng Super Health Centers sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Go ang kritikal na papel ng SHCs upang mabawasan ang pagsisikip sa mga ospital at mapabuti ang access sa mga serbisyong medikal ng gobyerno sa mahihirap.
Sinabi ni Go na ang mga pasilidad ay napakahalaga sa pagtiyak na ang mga Pilipino—lalo na ang mga nasa malalayong lugar—ay makatatanggap ng mahusay na interbensyon sa kalusugan.
“Patuloy po akong tutulong sa pagpaparami ng Super Health Centers sa bansa sa abot ng aking makakaya,” sabi ni Go hinggil sa kanyang ibinibigay na suporta para maparami pa ang SHC sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang Super Health Centers ay nagsisilbing local hub na nagbibigay-prayoridad sa primary care, preventive health services, at early detection ng mga sakit. Sa nasabing mga center ay may libreng konsultasyon na pinabilis sa pamamagitan ng municipal health offices, local government units, at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ilalim ng Konsulta program nito.
Ipinaliwanag ni Go na ang mga ito ay tumutugon sa matagal nang kakulangan sa pag-access sa healthcare, lalo sa mga kanayunan at liblib na lugar.
“Sa mga itinayo nang Super Health Centers, nakita namin kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa komunidad lalo na sa rural areas. ‘Yun po ang layunin ng Super Health Centers, ang mailapit sa mamamayan ang serbisyong medikal ng gobyerno,” sabi ni Go.
Binigyang-diin ng senador na ang mga pasilidad pangkalusugan na ito ay hindi lamang stopgaps kundi isang estratehikong pagtugon sa systemic healthcare challenges na sumasalot sa malalayong barangay sa loob ng maraming taon.
Sa pamamagitan ng pag-aalok ng first-line medical attention, nababawasan ang pasanin sa mga tertiary hospitals at nakakatulong na maiwasan ang mga hindi kinakailangang referral na sumisira sa emergency at inpatient care facilities.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng mas malaking krusada sa mga repormang pangkalusugan ni Go, na matagal nang binibigyang prayoridad ang pantay at nakabatay sa komunidad na access sa medical care.
“Hindi ko po sasayangin ‘yung pagkakataong ibinigay n’yo po sa akin. Magtatrabaho po ako para sa Pilipino. At iyan po ang pwede kong ialay sa inyo, ang aking bisyo sa pagseserbisyo,” ani Go na kilala bilang “Mr. Malasakit” sa kanyang paglilingkod sa Pilipino.