Advertisers

Advertisers

4 DOH awards, nasungkit ng Maynila sa Newborn screening!

0 21

Advertisers

Naiuwi ang apat na parangal ng Manila Health Department (MHD) mula sa Department of Health (DOH) bilang pagkilala sa mahusay na pagpapatupad ng Expanded Newborn Screening Program, na naglalayong maagap na matukoy ang mga congenital disease sa mga bagong silang na sanggol.
Nakuha ng Lungsod ng Maynila ang Exemplary Local Government Unit Award mula sa DOH Metro Manila Center for Health Development (MMCHD), dahilan upang pumangalawa ito sa lahat ng local government units sa Metro Manila, kasunod ng Valenzuela City at nangunguna sa Pasig City.
Tinanggap ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla, kasama ang mga miyembro ng city health cluster, ang mga parangal sa ginanap na recognition ceremony sa Diamond Hotel Manila noong Oktubre 9, 2026.
Bukod sa pagkilala sa buong lungsod, ginawaran din ang tatlong pasilidad pangkalusugan ng Maynila dahil sa kanilang mahusay na pagpapatupad ng newborn screening program.
Kinilala bilang Top Performing Newborn Screening Facilities ang Mayor Ramon Bagatsing Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital, habang iginawad naman sa Dr. Mariano Icasiano Lying-In Clinic ang Exemplary Newborn Screening Facility Award.
Ayon sa pamahalaang lungsod, patunay ang mga parangal sa patuloy na pagsisikap ng mga doktor, nars, komadrona at iba pang health workers upang matiyak na nabibigyan ng pagkakataong lumaking malusog ang bawat sanggol na isinisilang sa Maynila.
Binigyang-diin ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na mahalaga ang newborn screening dahil may mga congenital condition na walang nakikitang sintomas sa pagsilang, ngunit maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon kapag hindi agad natukoy at nagamot.
“Ang ilang patak ng dugo mula sa sakong ng sanggol ay sapat upang matukoy ang mga kondisyong maaaring magbago sa takbo ng buhay ng isang bata. Tinitiyak ng ating mga health worker na bawat sanggol na isinisilang sa Maynila ay nabibigyan ng pagkakataong ito,” ayon kay Domagoso.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9288 o Newborn Screening Act of 2004, isinasagawa ang newborn screening sa pamamagitan ng simpleng pagkuha ng patak ng dugo mula sa sakong ng sanggol, karaniwang sa unang 24 hanggang 48 oras matapos ipanganak.
Layunin nitong matukoy nang maaga ang mga congenital condition upang agad na masimulan ang kinakailangang interbensiyon at paggamot bago pa lumitaw ang mga sintomas.
Pinasalamatan din ni Domagoso si Dr. Padilla at ang buong Manila Health Department, at iginiit na ang pagkilala ay bunga ng dedikasyon ng mga frontliner sa serbisyong pangkalusugan.
“Ang pagkilalang ito ay para sa ating mga doktor, nars at komadrona. Sila ang aktuwal na gumagawa ng trabaho at nararapat lamang na kilalanin ang kanilang pagsisikap,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa niya, mahalagang bahagi ng Minimum Basic Needs (MBN) program ng kaniyang administrasyon ang pangangalagang pangkalusugan, lalo na para sa mga mahihina at higit na nangangailangan ng proteksiyon, kabilang ang mga bagong silang na sanggol.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng newborn screening, layunin ng pamahalaang lungsod na mapalawak ang maagap na pagtuklas ng mga sakit at mabigyan ang mga sanggol ng mas maagang pagkakataon para sa angkop na pangangalaga at paggamot.(BP)