Advertisers
INILIPAT ng Bureau of Corrections ang 300 persons deprived of liberty mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City patungo sa Sablayan Prison at Penal Farm sa Sablayan sa Occidental Mindoro,napag-alaman sa ulat noong Biyernes ng gabi.
Sinabi ni Bucor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., umabot ito sa 11,227 ang kabuuang bilang ng mga PDL na inilipat mula sa NBP patungo sa iba pang operating prison at penal farms ng ahensya.
Ang matagumpay na paglipat ng mga PDL ay naging posible dahil sa pinagsama-samang pagsisikap ng humigit-kumulang 100 Corrections Officers, kabilang ang mga miyembro mula sa Escort Unit, BuCor SWAT, at mga medical personnel.
Sinabi ni Catapang, ang kanilang pakikipagtulungan sa iba’t ibang entity tulad ng Philippine National Police (PNP) Muntinlupa, PNP Highway Patrol Group, at lokal na maritime at coast guard services ay nagsiguro ng maayos at secure na transition.
Napakahalaga ng mga nasabing coordinated efforts, hindi lamang para sa kaligtasan ng mga PDL kundi para din sa pagpapanatili ng kaayusan ng publiko sa mga operasyong ito, dagdag ni Catapang. (JOJO SADIWA)