Advertisers

Advertisers

TAAS, GITNA AT BABA

0 98

Advertisers

GULONG ng palad, ang sabi ng nakakarami, kung ang ating pag-uusapan ay antas ng buhay sa Pilipinas.

Ang mga nasa ‘taas’ siyempre ay alam niyo na, ang mga saksakan ng yaman, walang iniindang kahirapan, at kadalasan ay may posisyon pa sa lipunan. Nasa politika ang karamihang kilala sa kanila, ang iba naman ay mga lehitimong negosyante at ang iba ay nasa showbizness.

Lahat ay nabibili ng mga ito, pati na ang respeto at kanilang reputasyon, napapayuko nila ang lahat ng umaasa sa kanilang kayamanan, nakikinabang sa kanilang pamamaraan ng ikabubuhay.

Kabaligtaran nila ang mga nasa ‘baba’, yun bang tinatawag na nasa laylayan ng lipunan. Ang mga ito, na kung tawagin natin ay mga ‘kapus palad’ ay walang ibang inuuna kung di ang kaumakalam nilang mga sikmura.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ang mga ‘kapus palad’ na mga ito, ay tumatawid sa buhay at kamatayan. Kung walang mahahanap na ipanglalaman sa kanilang mga sikmura, ay pihadong mamamatay silang tirik ang mga mata.

Ang mga nasa ‘gitna’ o’ kung tawagin ay ‘middle class’ ay yaong mga di mo pwedeng tawaging mayaman, o kaya’y kapus palad.

Di man kasaganaan gaya ng mga mayayaman, ang mga nasa ‘gitna’ ng ating lipunan ay di rin naman sumasadsad sa pang-araw-araw na buhay gaya ng mga kapus palad.

Iisa ang kanilang taglay – paninindigan. Paninindigan na kalakip ang maayos na reputasyon sa lipunan. Di nila ito binibili, lilinawin ko sa inyo, gaya ng mga nasa ‘taas.’

Ang reputasyon ng mga nasa gitna, ay kanilang pinaghirapan, at patuloy na inaalagaan. Ito rin ay kanilang iniingatan at di hahayaang madungisan.

Sa lipunang ito, ang mga nasa gitna lamang ang nakakaunawa, kung ano ang nararapat sa bansa. Walang angal ang mga ito sa pagbabayad ng buwis, wala rin itong ginawa kung di ang sumunod sa batas. Palagiang nagtutulungan kung kinakailangan. Di humihingi ng bayad kapag pinakiusapang makiisa, bagkus ay nagaambag pa.

Kung, sana nga lamang tayong lahat ay nasa gitna lamang, madali sigurong makamtan ang tunay na kaunlaran na kailangan ng Pinas.