Advertisers
NAGSAGAWA na ng ocular inspections ang Philippine National Police (PNP) sa mga posibleng pinaglubugan at pinagtapunan ng mga bangkay ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay PNP Chief, General Nicolas Torre, mayroon na silang ilang lugar na binisita base sa mga nakaka-lap na mga impormasyon kungsaan inilubog at ibinaon ang mga nawawalang sabungero.
“Meron na kaming mga iilan na binibisita. May mga areas kami not only around Laguna or Batangas but other parts of the Metro and of course in the underlying areas at saka namin ide-detail,” pahayag ni Torre.
Tumanggi si Torre na tukuyin kung ilang areas sa Laguna, Batangas at Metro Manila ang kanilang binisita kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa nasabing krimen.
“Several. As the information comes in, nagkakaroon ng panibagong input sa imbestigasyon. We will give you a comprehensive report kapag matapos na ang lahat ng ito. Basta essentially kung saan mo itatago ang body of the crime, ganun, as usual,” wika ni Torre.
Samantala, may mga naglalabas ng report na ilan sa 15 pulis na isinasangkot sa pagkawala ng mga sambungero ang nagpahiwatig na ma-ging ‘state witness’.
“We will withhold first those details dahil alam niyo naman ang significance. Of course that’s one of the directions that we can take if some of them will volunteer to be state witnesses or decided to tell then that will be a welcome development in the investigation,” saad ni Torre.
Gayunpaman, sinabi ni Torre na kahit walang tumestigo sa mga nasabing pulis o makipagko-operate sa mga ito, malulutas nila ang nasabing kaso.(Mark Obleada)