Advertisers

Advertisers

Hustisya na may puso

0 27

Advertisers

Sa edad na 80, ang dating Pangulong Rodrigo Duterte ay dapat tratuhin nang may dignidad habang hinaharap ang kanyang kaso sa International Criminal Court. Kahit may kaso, hindi lang rin naman siya basta bastang tao. Dati siyang naging Pangulo ng bansa.

***

Sa dinami-daming ideya na ipinalutang para sa kapakanan ng dating Pangulo, pinakamaganda ang iminungkahi ng kanyang dating running mate na si Senador Alan Peter Cayetano. Kakahain lang ni Cayetano ng panukala na isailaim na lang si Duterte sa house arrest sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands.



***

Talaga namang tinig ng katwiran si Cayetano sa isyung ito. Hindi niya hinihiling ang pagtakas sa pananagutan kundi ang pagpapatupad ng hustisyang may pag-unawa at puso. Ang house arrest ay hindi pagtakas sa responsibilidad ni Duterte kundi pagkilala sa kanyang kalagayan — isang matandang may mahinang pangangatawan na dapat bigyan ng makataong konsiderasyon.



***

Bilang isang bansang nagpapahalaga sa paggalang sa nakatatanda, nararapat lamang na hilingin ng Pilipinas ang pansamantalang paglaya ni Duterte sa ICC para malagay sa house arrest sa embahada natin sa The Hague. Doon, mas tiyak ang kalusugan at seguridad ng dating Pangulo habang igagalang pa rin ang proseso ng korte.



***

Ang house arrest ay patunay na kayang pairalin ang hustisya nang hindi pinapahirapan ang akusado. Bukod sa katandaan, malaking bagay din ang may personal siyang nakakausap at nakakasalamuha araw-araw. Nakikita natin ito sa ating mga tumatandang magulang, at lolo at lola. Sa gitna ng paglala ng kalusugan, ang pagkulong sa kanya ay tila isang malupit na parusa bago man lang mapatunayan ang kasalanan.

***

Masakit sa puso ang pagpiit sa isang senior citizen nang walang pagkakataong makasama ang pamilya. Kaya sana ay kumilos tayo ng hustisyang may awa. Ang pagbabalewala sa huling kahilingan ng isang matanda ay pagtalikod sa ating kultura ng pag-aalaga ng matatanda.