Advertisers
Malala na talaga ang pagkalat ng fake news.
Tulad nitong kasinungalingan ng ikinalat ng social media pages na BitPinas at Serbisyo Pilipinas tungkol sa Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA). Pinalitaw nila na papatawan daw ng 20% buwis ang lahat ng deposito sa bangko.
Aba ay napakalaki po nito kung totoo! Ano na lamang ang maiiwan sa perang iniimpok natin sa bangko kung ganito kalaki ang ipapataw na buwis. Susmio corazon, ubos ang ating ipon kaya kung totoong ganito kalaki ang magigin buwis ay mag-ipon na lamang tayo sa baul na naiwan ng ating mga lola at lolo.
Pero mabuti na lamang at wala itong katotohanan. Fake news ito!
Fact check po, unang-una ay hindi ang mismong deposito ang binubuwisan kundi ang interes na kinikita ng ating mga pera sa bangko. Kaya malinaw po na hindi nababawasan ng buwis ang perang ating idineposito. Hindi pa natin kailangang magbalik sa paggamit ng alkansiya.
At ikalawa ito pong CMEPA ay hindi isang bagong buwis. Ang buwis na ito po ay matagal nang ipinatutupad sa mga bangko. Mula noong 1998 ay 20% na ang buwis na kinukuha sa interes o kinikita ng mga pera natin na nakalagak sa mga bangko.
Ang tunay pong layunin ng CMEPA ay itama ang sistema. Dahil sa makalumang sistema ng pagbubuwis, mas mataas ang ipinapataw na buwis sa interes ng mga short-term deposit. Ito pong short-term deposit ay karaniwang ginagamit ng mga ordinaryong nilalang, kabilang po dito ang mga kababayan nating OFWs na nagsusubi mula sa mga perang kinita nila ng maraming taon sa pagtatrabaho abroad.
Ang mga long-term deposit naman po ay madalas na siyang pinapasok ng mga mayayaman dahil ang kanilang pera sa bangko at pang-matagalan. Ang mga perang ito ay kadalasang naiiwan nang matagal na panahon. Ang buwis sa ganitong deposito sa lumang Sistema ay 0% hanggang 12%. Kaya ang interes o kinikita ng kanilang malaking perang ipinatago sa bangko ay halos walang nababawas na buwis.
Sa ilalim ng CMEPA, pinantay na ang buwis sa short-term at long-term. 20% na ang kinakaltas na buwis gaano man kaigsi o kahaba ang maturity ng pera.
Malinaw na walang bagong buwis at hindi kakaltasan ng buwis ang ating ipon sa bangko. Ulitin natin: ang binubuwisan sa CMEPA ay ang kinita o interes ng ating savings kaya hindi binabawasan ang perang ating inipon.
Tandaan mo ang mga ito:
Kung isang kahig at isang tuka ka na kung saan pati maintaining balance ay nawi-withdraw mo, hindi ka apektado.
Kung may savings ka man sa bangko, at least hindi na pabor sa mayayaman ang buwis sa interes. Dahil matagal ka nang binubuwisan ng 20%, habang ‘yung sa mayayaman 0%-12% lang sa lumang sistema.
Kung hindi Villar, Razon, Sy, or Ayala ang apelyido mo, matulog ka nang maaga at may pasok ka pa bukas. ‘Wag kang pa-victim dyan dahil hindi ka apektado nito.
At kung ubos naman palagi ang savings mo dahil sa kaka-scatter mo, hindi ka rin apektado ng isyung ito. Pero magbagong buhay ka na!
Kaya malinaw na malinaw po na mali o fake news ang ipinakalat ng dalawang nabanggit nating social media account at dapat nila itong itama alinsunod sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko. Mahirap kasi ang kanilang ikinalat na fake news dahil puwede itong pagmulan ng panic sa banking community. Dahil ang mga tao na matatakot ay puwedeng mag-withdraw lahat ng kanilang savings. At maaapektuhan ang mga bangko.
Ang tanong: sino kaya ang nasa likod ng pagpapakalat ng fake news na ito?