Advertisers
Kahit na kailangan lamang niya ng isang draw sa kanyang huling laro upang makuha ang gintong medalya sa kategoryang U18, nagpasya si Arca na sumugal para sa panalo.
Ang kanyang layunin: maging pangkalahatang kampeon sa kategoryang Under 18 Standard – isang tagumpay na awtomatikong magbibigay sa kanya ng direktang titulo ng International Master (IM).
Tinalo ng 16-taong gulang na Pilipinong chess wizard si Yihang Song ng China sa huling round upang makuha ang titulo.
Natapos ni Arca ang kompetisyon nang walang talo, may 8.0 puntos mula sa pitong panalo at dalawang draw sa siyam na laban.
Tinalo ni Arca sina Hong Quan Vo ng Vietnam sa unang round, Yibai Ren ng China sa ikalawang round, FIDE Master Khishigbat Ulziikhishig ng Mongolia sa ikatlong round, FIDE Master Ivan Travis Cu ng Pilipinas sa ikaapat na round, Xiaozhi Wang ng China sa ikalimang round, An Hoa Do ng Vietnam sa ikapitong round at Song sa ikasiyam at huling round.
Naghati siya ng puntos kina Kailin Chen ng China sa ikaanim na round at Zhening Hu ng China sa ikawalong round.
“Sobrang saya ko sa panalong ito sa mahigpit na standard tournament. Sana maganda rin ang performance ko sa rapid at blitz competition,” sabi ni Arca.
Nakuha ni FM Ulziikhishig ang silver medal na may 6.5 puntos, kalahating puntos ang lamang kay Do An Hoa, Hu Zhening at FM Cu na may tig-6.0 puntos. (Danny Simon)