Advertisers
Bibigyan muna natin ng daan itong opisyal na pahayag ng ‘MINDORO YOUTH FOR ENVIRONMENT AND NATION’ sa social media post kaugnay sa naging banta ni Governor Humerlito “Bonz’ Dolor sa pagsasampa nito ng kaso sa mga mindoreñong bumabatikos tungkol sa “dredging” o “black sand ming” sa Oriental Mindoro.
Tunghayan natin: OPISYAL NA PAHAYAG NG MINDORO YOUTH FOR ENVIRONMENT AND NATION SA PAHAYAG NI BONZ DOLOR HINGGIL SA PAGSASAMPA NG KASO SA MGA MINDOREÑONG BUMABATIKOS TUNGKOL SA DREDGING
Para kay Gobernador Dolor at sa lahat ng halal na opisyal; Kayo ay may sinumpaang tungkulin sa taong bayan na nagluklok sa inyo sa puwesto. Kasama sa tungkuling ito ang harapin ang puna, tanggapin ang batikos at pakinggan ang hinaing ng bawat isa lalo na kung ito’y nagmumula sa mga tao na direktang apektado ng inyong mga polisiya.
Ang Mindoro Youth for Environment and Nation (MYEN) ay mariing nagpapahayag ng aming pagkadismaya at pagkabahala sa pahayag ni Governor Bonz Dolor kaugnay ng umano’y pagsasampa ng kaso sa mga mamamayang malayang nagpapaabot ng kanilang saloobin hinggil sa isyu ng katiwalian at mga mapanirang proyekto sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Ang ganitong klaseng banta ay isang malinaw na anyo ng panunupil sa karapatang magpahayag at isang tahasang pag-iwas sa publikong pananagutan na dapat gampanan ng mga halal na opisyal. Ang mga mamamayang bumabatikos ay hindi kaaway, kundi bahagi ng isang buhay na demokrasya.
Litaw nitong mga nakaraang buwan ang isyu ng dredging lalo na sa Bayan ng Gloria, at batay sa mga isinagawang public consultations at hearings, lumitaw ang malaking pagkukulang sa proseso ng implementasyon ng mga proyektong gaya ng dredging at pagmimina. Kasabay ng mga ito ang unti-unting pagkawala ng isda, pagkasira ng mga bakawan na mahalaga sa biodiversity, at pagguho ng mga baybay-dagat na tirahan ng maraming pamilyang Mindoreño. Habang patuloy na sinasahuran ng taumbayan ang mga opisyal ng gobyerno, ang mamamayan naman ay patuloy na nawawalan ng tahanan, kabuhayan, at kinabukasan.
Bilang halal na opisyal at itinuturing na “ama” ng lalawigan, tungkulin ni Gobernador Dolor na magsuri, makinig, at tumugon sa lehitimong hinaing ng kanyang mga nasasakupan. Obligasyon niyang itigil ang mga proyektong lantaran ang pinsala sa kalikasan, hindi ang busalan ang mga nagtatanggol dito. Sa halip na pakinggan ang mamamayan, pinipili niyang ipinta ang mga tanong bilang personal na atake —isang mapanganib na pagbaluktot sa esensya ng demokratikong diskurso at isang mapanlinlang na paraan upang patahimikin ang mamamayang nagmamalasakit sa kalikasan.
Hindi bago sa kasaysayan ng Mindoro ang masidhing pagtutol sa mapanirang pagmimina at pagsasamantala sa likas-yaman. Bilang isang mayamang isla, ilang dekada nang pinangangalagaan ng mga Mindoreño ang ating likas na yaman, mula sa pagtutol sa Intex Mining Project noong dekada 90s hanggang, pagtuligsa sa huwad na River Restoration Project sa Balete River nitong taon.
Lagi ninyong tatandaang sa bawat yugto ng panunupil, laging tumitindig ang mamamayan. Kaya sa panahong sinusubukang patahimikin ang tinig ng mamamayan, lalo lamang tumitibay ang loob ng mga Mindoreño na maging mas mapanuri, mas mulat, at mas matapang sa paglalantad ng katotohanan at paglaban sa mga proyektong sumisira sa kalikasan at kabuhayan sa isla.
Para kay Gobernador Dolor at sa lahat ng halal na opisyal: kayo ay may sinumpaang tungkulin sa taumbayang nagluklok sa inyo sa puwesto. Kasama sa tungkuling ito ang harapin ang puna, tanggapin ang pagbatikos, at pakinggan ang hinaing ng bawat isa, lalo na kung ito’y nagmumula sa mga tao na direktang apektado ng inyong mga polisiya.
Ang pamahalaang tunay na para sa bayan ay hindi natitinag sa tanong, kundi tumutugon.
Hindi nananakot, kundi nakikinig. Hindi nananahimik, kundi nagpapaliwanag.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com.