Advertisers
NOONG Abril, marami sa hanay ng mga kongresista at senador ang nadismaya nang ibasura ni Presidente “Bongbong” Marcos, Jr. ang ‘citizenship application’ ni Liduan (Li Duan) Wang alyas “Mark Ong”, na ayon kay Sen. Risa Hontiveros ay isang ‘casino junket operator’ at kasabwat umano ni Duanren Wu.
Nagtatago na ngayon si Wu, matapos matumbok bilang ‘financier’ ng mga iligal na POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga kungsaan nakalawit naman si Bamban Mayor Alice Guo at mga kasabwat niya.
Naghihimas na ngayon ng rehas na bakal si Guo matapos ding mapatunayan na peke ang pagiging Pilipino. Mismo!
Dati umanong pulis sa China itong si Wu at sinasabing miyembro ng Partido Komunista ng China (CPC) na biglang nagkaroon ng sandamakmak na kuwarta na ginastos naman niya para sa POGO hubs dito sa ‘Pinas.
Kung miyembro ng CPC si Wu, eh, ano kaya itong si Wang na ‘BFF’ niya?
Kredito kay PBBM na hindi siya nasilaw sa hanay ng mga mambabatas na “sponsor” sa citizenship ni Wang, katulad ni Bicol Rep. Joey Salceda na naghain ng HB 8839 para sa citizenship ni Wang noong Setyembre 2023, at ang 19 senador sa pangunguna ni Senate President Chiz Escudero at Sen. Francis Tolentino, na pumayag maging Pinoy si Wang nito lang Enero.
Ayon pa sa Pangulo, tinanggihan niya maging Pilipino si Wang dahil sa mga negatibong ulat sa totoong pagkatao nito. Batay sa hawak niyang impormasyon, “clear and present danger” sa bansa itong si Wang!
Sa nalaman natin, hindi nagtapos sa pagbasura ng pagiging Pinoy ni Wang ang isyu. Meron pala kasing isang babaeng ‘Fil-Chinese’ na umano’y “designated fixer” sa ‘Pinas ng mga POGO at mga kriminal na Chinese. Masama pa rin umano ang loob nito sa nangyari hanggang ngayon.
Ayon sa mga nakakakilala dito kay ‘Ms. Lady in Red’ na lumilingon din kapag tinawag na ‘Miss Chan’, pulos himutok pa rin daw ito nang galit kay Sen. Risa na tanging kumontra sa botohan ng Senado noong Enero at pinakamaingay sa pagkumbinsi kay PBBM na ibasura ang HB 8839 ni Salceda.
Paano ba naman, malaki (daw) ang “ginastos” ng grupo nitong si Lady in Red para maging Pilipino si Wang at pagkatapos ay “nauwi sa wala” dahil lang sa senadora na piniling pakinggan ni PBBM kahit hindi niya kakampi sa pulitika! Araguy!!!
Take note: Hindi “lumutang” ang pangalan ni Miss Chan sa mga pagdinig ng Senado at House Quadcomm hinggil sa POGO, patunay, ayon sa mga miron, na talagang “mabigat” at “malawak” ang kanyang koneksyon, hindi lang sa Kongreso, bagkus kahit sa mga korte at iba pang ahensiya ng gobyerno. Aber, kahit nga raw sa Palasyo may “konek” pa rin! Mismo!
“Alam” na umano ng ilang opisyal ng pamahalaan ang pagkatao nitong si Miss Lady in Red at kung gusto ng gobyerno na magkaroon ng ‘closure’ ang isyu ng POGO at linisin ang pangalan ng mga opisyal na ipinagyayabang niya, hindi masama kung tuluyang mahubaran ang pagkatao ng aleng ito.
Any comment, PAOCC Executive Director Gilbert Cruz?
Tuldukan!