Advertisers

Advertisers

Judiciary Fiscal Autonomy Act pirmado na ni PBBM

0 22

Advertisers

ISA nang ganap na batas ang Judiciary Fiscal Autonomy Act na layong palakasin ang kalayaan sa pananalapi ng hudikatura alinsunod sa Konstitusyon matapos itong lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa seremonya na ginanap sa Malakanyang nitong Huwebes ng umaga, sinaksihan ng mga opisyal ng Korte Suprema at ng lehislatura ang makasaysayang hakbang na ito para sa sistemang panghukuman ng bansa.

Ayon sa Republic Act (RA) 12233, hindi maaaring bumaba sa nakaraang taon ang badyet ng hudikatura at dapat itong awtomatikong ilabas buwan-buwan nang walang dagdag na papeles o approvals.



Tinukoy ng Kataas-taasang Hukuman na sa kabila ng nakasaad sa Saligang Batas, ilang beses nang naapektuhan ang operasyon at modernisasyon ng mga hukuman dahil sa komplikadong proseso ng national budget.

Batay naman sa bagong patakaran, maaari nang magsumite ang Korte Suprema ng orihinal nitong panukalang badyet direkta sa Kongreso, kalakip ng National Expenditure Program mula sa Department of Budget and Management (DBM).



Maaari namang magbigay ng hiwalay na rekomendasyon ang DBM, ngunit hindi nito maaantala ang paglalabas ng pondo.

Kasama rin sa reporma ang paglalaan ng pondo para sa national at regional operations ng hudikatura, kabilang ang paglikha ng Office of Regional Court Managers sa lahat ng rehiyon.



Lahat ng kita at gastusin, kabilang ang mula sa bagong Judiciary Trust Fund, ay sasailalim sa post-audit ng Commission on Audit (COA).

Ipinag-utos din ng bagong batas na dapat aksyunan ng DBM sa loob ng 120 days ang hirit ng Supreme Court para sa Notice of Organization, Staffing, and Compensation Action (NOSCA) sa mga bagong posisyon.

Maliban dito, pinasisimple rin ng batas ang paglilipat ng pagmamay-ari ng mga ari-arian para sa hudikatura upang mas mapabuti ang pangangasiwa sa mga ito.

Maghahanda ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ang SC, katuwang ang DBM at COA, sa loob ng anim na buwan mula sa effectivity ng batas.

Samantala, dumalo naman sa ceremonial signing sina Chief Justice Alexander Gesmundo, labing-isang Associate Justices, House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at Senate President Chiz Escudero. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)