Advertisers
TAMA itong post ng Nutribun Republic hinggil kay Greco Belgica, ang dating tumakbong senador at nabigyan ng kapangyarihan sa panahon ni Digong Duterte:
Nakakatawa pero nakakagalit. Ngayon, si Greco Belgica, dating chair ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), ay biglang nag-iingay tungkol sa flood control scam, pero hindi para labanan ang korapsyon kundi para ipagtanggol sina Bong Go, Sara Duterte, at Rodrigo Duterte. Naiinis daw siya na nadadamay ang mga ito, at gusto niyang palabasin na inosente ang kanyang mga dating amo. Pero teka lang, Greco. Hindi ba’t ikaw din ang anti-corruption czar ni Duterte mula 2018 hanggang 2021, panahon ng Pharmally, panahon ng mga DPWH kickback, panahon ng mga nawawalang COVID funds? Kung noon palang ay ginawa mo na ang trabaho mo, hindi sana kailangang madamay ang kahit sino (sa kanila) ngayon.
Noong ikaw ang nakaupo, tahimik ka. Ngayon, maingay ka. Habang binubulok ng mga anomalya ang gobyerno, lalo nang sumabog ang Pharmally scandal kungsaan bilyon-bilyong piso ang napunta sa mga konektado kay Bong Go, wala kang ginawang imbestigasyon. Ang PACC, ayon sa Executive Orders 43 (2017) at 73 (2018), ay may tungkuling magsagawa ng fact-finding at lifestyle checks sa mga presidential appointees at magrekomenda ng aksyon sa Pangulo o Ombudsman. Hindi ito taga-prosecute, pero tungkulin nitong maglatag ng ebidensiya at rekomendasyon na puwedeng umusad sa Ombudsman o DOJ para sa posibleng prosekusyon. Ibig sabihin, puwede kang magrekomenda ng kaso, pero walang naitalang matibay na resulta. Habang ang Senado ang nanguna sa Pharmally probe, ang PACC mo ay tahimik. Walang iniulat na kasong umabot sa prosecution o conviction. Ang mismong mandato mo—fact-finding laban sa katiwalian—ay hindi mo nagampanan sa pinakamalalaking iskandalo ng iyong panahon.
Ang tanging achievement na maipagmamalaki mo ay ang pagkaka-dismiss ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Edgardo Masongsong noong Agosto 2021 matapos mong irekomenda kay Duterte ang kanyang pagtanggal. Totoo, ito ay bunga ng imbestigasyon ng PACC sa ilalim mo, ngunit aminin natin—maliit na isda iyon sa dagat ng korapsyon. Samantala, ang mga higanteng pating sa Pharmally, DPWH, at DOH, hindi mo ginalaw. Walang rekord ng matagumpay na kaso mula sa PACC sa ilalim mo na nauwi sa hatol. Puro press conference, PowerPoint, at moralizing speeches na walang resulta.
At nang mismong si Duterte noong Disyembre 28, 2020 ay nagbasa ng listahan ng mga tiwaling opisyal at mambabatas mula sa ulat ng PACC, sinabi rin niya mismo, “No hard evidence.” Walang nasampahan, walang nahatulan. Kung may tunay kang political will, sana noon mo pa pinanagot ang mga nasa likod ng flood control anomalies na inamin mismo ng Presidente. Pero kahit pangalan ng contractor, hindi mo inilabas. Ang dapat magrekomenda ng kaso, ikaw ay nanahimik. Ang mismong mga salitang “no hard evidence” mula kay Duterte ay patunay na ang PACC report mo ay walang sapat na dokumentasyon o ebidensiya para sa prosekusyon.
Dagdag pa rito, noong Oktubre 2020, may mga empleyado ng Duty Free Philippines na nagsampa ng reklamo laban sa iyo sa Ombudsman, inakusahan kang “whitewash” daw ang imbestigasyon ng PACC. Dinismiss mo ang paratang at nagbanta ng countercharges, pero ang punto—nabahiran ng duda ang mismong integridad ng komisyong dapat lumalaban sa katiwalian. Kapag ang anti-corruption body mismo ay nasasangkot sa reklamo ng cover-up, may malalim na problema sa kredibilidad.
Tatlong taon kang nasa puwesto. Pero bukod sa mga headline, walang naiwan na matibay na legacy ng hustisya. Sa halip, noong 2022, nang maupo si Marcos Jr., agad na inabolish ang PACC sa pamamagitan ng Executive Order No. 1 at inilipat sa ODESLA ang mga tungkulin nito. Ang ganitong reorganisasyon ay malinaw na dokumentado. Kung epektibo sana ang ahensyang pinamunuan mo, hindi ito winakasan na parang walang silbi.
Ngayon na umiinit ang mga imbestigasyon sa flood control scam at nagkakabasahan ng pangalan, bigla kang lumabas para protektahan ang mga dati mong amo. Hindi mo gustong imbestigahan sila—galit ka pa nga na nadadamay. Pero kung ginawa mo lang trabaho mo noon, wala sanang madadamay ngayon. Ang problema, noong panahon mo, walang naparusahan. At ngayong panahon nila, pinipilit mong linisin ang mga kamay nilang marumi rin sa sistemang pinayagan mong lumala. Mismo!