Advertisers
Dapat maging ALERTO ang lahat dahil namimiligro pala ngayon ang buhay ng mamamayan sa mga FAKE ANTI-RABIES PRODUCT na mabibili na sa mga merkado sa ating bansa!
Sa pagiging abala ni HEALTH SECRETARY TED HERBOSA sa pag-iikot at pagsisiyasat ng mga anomalya sa lahat ng SUPER HEALTH CENTERS na pinondohan ng DEPARTMENT OF HEALTH (DOH) ay ang FOOD AND DRUGS ADMINISTRATION (FDA) na ang nagbabala hinggil sa pagkalat ng mga pekeng pambakuna laban sa rabies na lalong peligro ang sasapitin ng sinumang maiineksiyunan?
Ang VaxiRab N rabies vaccine for human use na isang Purified Chick Embryo Cell ay ibinabala ng FDA sa publiko na huwag bilhin at gamitin ang counterfeit version nito na nakakalat na sa merkado at sa halip ay dapat bilhin lamang ito sa FDA-LICENSED ESTABLISHMENTS.
“All establishments and outlets are hereby warned against selling and/or dispensing of the said counterfeit product. The importation, selling or offering for sale of such is in direct violation of Republic Act No. 9711 or the Food and Drug Administration Act of 2009, and Republic Act No. 8203 or the Special Law on Counterfeit Drugs. Anyone found selling the said counterfeit drug product will be penalized. All Local Government Units (LGUs) and Law Enforcement Agencies (LEAs) are requested to ensure that these products are not sold or made available in their localities or areas of jurisdiction,”
pagbababala ng FDA.
Iyan ay dahil mayroon palang mga nasumpungan na sampol nang mga naipamahagi sa mga Local Government Units na nakamamatay ang epekto ayon sa FDA.., na umalingasaw tuloy ang bulilyasong KICKBACK sa mga procurement deals ng mga gamot.., pero hindi katanggap-tanggap ang pamamahagi ng mga pekeng bakuna dahil magpapahamak ito sa buhay ninuman.
Kaya naman ay minsang nalitanya ni DR. TONY LEACHON na si HEALTH SECRETARY ay puro lamang PABIBO.., kasi, kamakailan lang e nag-ikot ito sa iba’t ibang lugar na para bang bida sa isang pelikula.., inspeksyon dito, inspeksyon doon na ang target ay mga super health centers na pinondohan ng Department of Health (DOH) gayong marami na palang mga FAKE VaxiRab N na dapat ay sinasaliksik para makumpiska sa mga merkado at mapanagot ang mga responsable rito.
Kung babalikan natin ang naging panunungkulan ni HERBOSA ay may P11.5 bilyon halaga ng mga bakuna at gamot ang nangabulok sa bodega dahil nag-expired na ang mga iyon.
Si HERBOSA rin ang SECRETARY noon nang mahinto ang gamutan laban sa tuberculosis dahil sa kawalan ng supply sa kaniyang naging unang 2-taon na panunungkulan.., at ang PHILHEALTH ay nawalan din ng subsidiya noong siya ang CHAIRMAN dito.
Kaya naman, hindi katakatakang may mga grupo ang nananawagan para sa pagbibitiw bilang HEALTH SECRETARY itong si HERBOSA.., na hindi sapat ang matanggal lamang ito sa posisyon dahil maaari siyang panagutin sa paglabag sa RA 9711 at RA 8203.., bukod pa riyan sa mga asuntong posibleng isampa kung may mga pamilyang naturukan ng pekeng bakuna na ipinamahagi ng kanyang ahensya!
Mga ka-ARYA.., ang VaxiRab N ay aprubado ng WORLD HEALTH ORGANIZATION para gamitin sa lahat ng edad kabilang na ang mga bata at matatanda na ito ay mabisang bakuna laban sa kalmot o kagat ng mga aso’t pusa.., pero sa mga madadale ng FAKE VaxiRab N at dadanas ng ADVERSE DRUG REACTION ay maaaring mag-email sa info@fda.gov.ph. at sa pagbibigay impormasyon naman hinggil sa pagbebenta at distribusyon ng unregistered health products ay mag-email lamang sa ereport@fda.gov.ph!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com para sa inyo pong mga panig.