Advertisers
HINDI dapat magpalinlang ang ating mga kababayan sa “inilalako” na ‘Baha sa Luneta 2.0’ na isang kilos protesta laban umano sa korapsyon.
Una, hindi ito inorganisa at walang kinalaman sa pekeng protestang ito ang “kapatiran” ng Iglesia Ni Cristo (INC) na nagsagawa ng bukod nilang 2-araw na pagtitipon nitong Nobyembre 16 at Nobyembre 17.
Ikalawa at higit na mahalaga, ang pagtitipon sa November 30 sa Luneta ay pakana ng mga komunistang grupo na alam nang lahat ay hindi naman interesado sa pagsusulong ng ‘transparency and accountability’ sa mga imbestigasyon hinggil sa daang bilyones na ‘flood control project scam.’
Hindi na rin tayo magugulat kung ang bahagi ng komunistang grupo ay biglang humiwalay at sumugod sa Mendiola at magsimula na naman ng gulo.
Ganito na kasi ang kanilang ‘template’– kailangang may dumanak na dugo upang makakuha ng wide media exposure dito at sa abroad at palabasing mga “berdugo” ang ating mga pulis at “pasista” ang ating gobyerno.
Sa kanilang press conference bago ang kanilang rali sa Linggo, ang gusto mangyari ng mga lider ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK)– ang bagong prenteng organisasyon ng Partido Komunista (PKP)– ay pababain at ikulong sina President Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte-Carpio.
Sadyang ayaw nila sa ating ‘constitutional process’ at ang gusto ay bumuo ng isang ‘transition council’ na labag sa Konstitusyon.
Ang kanilang kawalang respeto sa mga batas at proseso ay isa sa dahilan kung bakit may bukod na rali sa Liwasang Bonifacio ang mga ‘religious groups,’ ‘civil society groups’ at iba pang sektor sa bandila naman ng Trillion Peso March Movement (TPPM).
Matuto na tayo sa kasaysayan at huwag magpaloko sa mga pekeng makabayan katulad ng mga organisadong grupo ng Partido Komunista.
Matuto na tayo. Lumabas, lumaban at manindigan subalit huwag magpauto sa mga manlolokong grupo. ###