Advertisers

Advertisers

2 sugatan, 30 bahay naabo sa kandila

0 24

Advertisers

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na tumupok sa isang residential area sa San Gregorio Street, Barangay General Tiburcio De Leon, Valenzuela City maghahatinggabi ng Sabado, February 7.
Iniwang nakasinding kandila umano ang sanhi ng sakuna, ayon sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO).
“Ang report sa amin ay isang residente ang nagsindi ng kandila at iniwan niya ito at nasunog ang isang tela sa kanilang bahay at iyon ang pinagmulan ng sunog,” ani Romer Dela Cruz, hepe ng BDRRMO.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa mga kahoy at plywood ang karamihan sa mga bahay. Naging hamon pa sa rumespondeng labing-isang fire truck ang makikipot na eskinita. Kinailangang paatrasin ang malalaking fire tanker para bigyang-daan ang maliliit na fire truck na makalapit sa mga nasusunog na bahay.
Bagama’t walang naitalang nasawi, dalawang lalaki, edad 32 at 25, ang nagtamo ng paso at gasgas sa katawan pero ligtas na.
Ayon sa barangay, tinatayang 30 bahay ang natupok, na nakaapekto sa nasa 50 pamilya. Pansamantalang nanunuluyan ang mga biktima sa barangay hall.
Isa sa mga nawalan ng ari-arian ang truck driver na si Edgardo Robite, na naisalba ang mga anak at motorsiklo. Bigo siyang mailigtas ang kanilang alagang aso, habang kasama sa mga gamit na natupok ang kanyang lisensiya sa pagmamaneho.
“Makakahingi lang naman ako ng tulong para makarecover at sana matulungan din sa pag-asikaso ng lisensya ko para makapaghanapbuhay uli,” panawagan niya.
Idineklarang fire under control ang sunog bandang 12:19 ng madaling araw at tuluyang naapula mag-aala-una ng madaling araw ng Linggo.
Beneberipika na ng BFP ang impormasyong kandila ang sdahilan ng sunog. Inaalam pa ang halaga ng pinsala sa ari-arian sa insidente.(Beth Samson)