Advertisers
Ipinahayag ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Biyernes, Pebrero 13, ang 13.08% na pagbaba sa kabuuang bilang ng mga insidente ng krimen sa ika-apat na kwarter ng 2025, kasabay ng pagtaas ng epektibidad sa paglutas ng krimen at patuloy na pinansyal na suporta para sa Manila Police District (MPD).
Ipinakita sa datos sa ginanap na ika-125 Anibersaryo ng MPD na bumaba ang mga kaso mula 2,110 sa ikatlong kwarter patungong 1,834 sa ika-apat na kwarter, isang pagbaba ng 276 na insidente.
Sinabi ni Domagoso na ang doble-digits na pagbawas ay sumasalamin sa pinatinding pagpapatupad ng batas at mas pinatatag na koordinasyon ng operasyon sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ng distrito.
Iniulat din niya na tumaas ng 9.2% ang epektibidad sa paglutas ng krimen sa unang 100 araw ng kanilang administrasyon, na nagpapakita ng mas mataas na porsyento ng mga salarin na natutukoy at nahuhuli kumpara sa mga nakaraang buwan.
Tinawag ni Mayor ang paglilingkod sa pulisya bilang isang pambihirang oportunidad, at hinikayat ang mga opisyal na pahalagahan ang mandato na ipinagkaloob sa kanila. Pinangunahan din niya ang isang sandali ng katahimikan para sa mga pumanaw na kawani, at nagpasalamat sa MPD sa pagbabantay sa mga komunidad at institusyon ng Maynila.
“Marami ang tinatawag, pero iilan lang ang pinipili,” sabi ng Mayor Isko.
“Sa ngalan ng mamamayan ng Maynila, nais kong pasalamatan si MPD Chief General Arnold Abad, ang mga opisyal ng kani-kanilang presinto at PCPs, at ang mga nagbabantay sa mga lansangan.”
Kasabay nito, nagbigay si Domagoso ng matibay na babala sa mga nagnanais gumawa ng krimen, na ang pamahalaang lungsod ay susundan ang mga kriminal sa legal na paraan.
“’Pag ginawa mo ang krimen sa Maynila, may kalalagyan ka. Susunduin namin kayo. Gagastusin namin ang bawat sentimo, anuman ang magagamit sa aming legal na paraan para mahuli ka at mapanagot sa ginawa mong krimen.”
“Ngayon, bukas, sa isang linggo, sa isang buwan, kahit ilang taon pa ’yan, basta ginawa mo sa Maynila, mahuhuli ka rito sa amin,” dagdag ni Isko.
Binigyang-diin din ng Mayor Domagoso na mananatili ang pagpapatupad ng batas sa loob ng sistema ng hustisya: “Hindi sa aming mga kamay, kundi sa harap ng Hukom at ng Piskal.”
Binigyang-diin din niya na naipalabas na ang P26.03 milyon para sa mga allowance ng MPD para sa ika-apat na kwarter ng 2025, bilang katiyakan ng patuloy na operasyon at suporta ng pamahalaang lungsod sa mga pulis.
Pagkatapos ng programa ng anibersaryo, nagtungo ang Mayor sa Chiang Kai Shek College kung saan opisyal niyang natanggap ang 20 motorsiklo na idinonate para sa MPD.
Ang donasyong ito, na naipahayag na rin niya sa kanyang talumpati, naglalayong mapabuti ang kakayahan sa patrol at palakasin ang presensya ng pulisya sa buong lungsod.
Nagpasalamat si Domagoso sa Chiang Kai Shek College at sa lahat ng iba pang kasamang pribadong sektor sa pagtutulungan kasama ang pamahalaang lungsod at MPD upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa kabisera ng bansa.(BP)