Advertisers
Hindi maiwasan na maraming tao ang nakakalimot sa nakaraan at ‘di makuhang tumingin sa pinagmulan. Sa munting tagumpay sa buhay tumaas ang pangangailangan na ibig makuha ang bawat ibig sa ano mang paraan. Ang pagbabago sa ibig ang daan na makalimot sa nakasanayan ang nagbago sa panlasa, sa gawi at pag-uugali, ang masakit naging asiwa sa galawan sa nakaraan na siyang kinalakihan. Sa pag-iba ng panlasa, hindi na masarap ang dati tulad ng karaniwang pagkain, tulugan na ‘di kalamigan, siksikan sa higaan na may katigasan higit ang mag imis ng kapaligiran na dating kinagawian. Nalimutan ang dating mga laro’t kalaro sa ilalim ng araw at pumapatak na ulan na nagtatampisaw. Ang pagdami ng laman ng lukbutan ang dahilan na nakalimot sa nakaraan at paglimot sa mga kababata na kasabayan na paglaki’t pagbibinata o pagdadalaga. Ang masakit higit na nalimutan na may wakas ang sarap sa buhay at ‘di wagas ang naabot na kasiyahan.
Lumakad ang panahon, mabilis na dinala nang pagbabago na may pag-unlad ang pabigat sa pangangailangan ng mga nakakarami higit ang mga taong tagaluklok ng mga namumuno sa lipunan. Sa pagluklok ng mga pinunong bayan, ang pagkakamali ni Mang Juan at mga kababayan sa dahilang ‘di binatid ang kung paano lumayo ang ibig sa pinili o napiling mamuno sa bayan. Nasilaw ang bayan sa mga pansamantalang natatanggap na ayuda na tuwirang paasahin sa kabuhayan at dahilan na ‘di makakaahon ng kabuhayan o tayo sa buhay. Ang pagtitiyak na aasa sa ayuda ang ibig maganap ng mga halal ng bayan ng masigurong ‘di bibitaw sa pinunong nagbibigay kuno ng kabuhayan higit ng pamilyang naghihirap. Walang layon ang pinunong bayan na makapagsarili si Mang Juan at ang tulad ng matiyak na itataguyod sa panahon ng halalan. Malinaw ang programa, maging palaasa ang tao sa laylayan sa programa na dala ng pinunong bayan ng ‘di lumihis ng landas na magtitiyak sa pagbabalik sa upuang pinamuhunanan ng salapi ng bayan.
Sa takbo ng kabuhayan sa bansa, silip ang lantarang pagmamalabis sa kabang bayan na tinatalakay at pinagtatalastasan ng mga kinatawang bayan. Ang pinag-uusapan, ang halagang ibig sa programa kuno para sa taong bayan. Subalit, walang matukoy na programang pagtutustusan ng salaping inilalaan at malinaw na may pondong inilaan. Sa totoo pa rin, hindi mahalaga ang programa, dahil ang mahalaga ang inilaang napakalaking halaga na bilyon bilyon na papasok sa lukbutan ng mga kinatawang bayan. Wagas ang ibig sa kaperahan ng mga kinatawang bayan na una ang sarili sa likod ng paghihirap ng taong bayan na lugmok sa pasanin sa inihahanda ng mga halal ng bayan pagtustos. Masasaad na itutulak at walang kakabigin sa mga kinatawang bayan sa galawang nagbago sa pangangailangan at bahala na ang bayan.
Nagbago ang kalakaran sa bansa, ngunit patuloy ang matamlay na paglago ng kabuhayan ng tao sa laylayan at ganap na malayo ang agwat ng kabuhayan ng mga uri sa lipunan. Nakakawing ang paglayo ng kabuhayan sa kasakiman ng iilan na ‘di nasiyahan sa kung ano ang nasa kanilang harapan o meron sa kasalukuyan. Naging sugapa sa kinang ng salapi na ‘di nasilip na may pangangailangan si Mang Juan at ang bayan. Ganap na umiibig sa kinang ng salapi na ‘di nasilip na sa pagkakataong wala ng maimbag ang mamamayan sa kabang bayan na ginagatasan sila- sila ang magkakagatan. O’ sadyang ‘pikit ang mata at ‘di dama na may wakas ang kapanahunan higit sa pagigising ng taong bayan at muling manindigan para sa kanilang kinabukasan. Mapait ang bunga ng salang gawa na aanihin sa kinabukasan higit lunod ang bayan sa kahirapan.
Ang pagnanasa sa bagay na sala sa kaayusan ng pagkatao’y panandalian ang pakinabang higit may kurot sa buhay ng tao. May puwang sa pagiging mapalad sa hinaharap subalit sa pagpili sa likong landasin, umasa na may wakas at ‘di wagas ang kagalingang makakamtan. Ang pagtalima sa salang gawa’y ‘di pinagpapala ng sanlumikha at umasang panandalian at sa dulo’y luha ang dadaloy higit mapag-imbot sa kapwa, sa taong hamak at api.
Ang paglihis sa kagalingan pambalana’y may balik na kapaitan sa buhay sa kinabukasan. Pansamantala ang kasiyahan ng mga taong nanduhagi sa kapwa sa pagkamit ng layaw sa katawan. Ang nakamtang tagumpay na may-tinapakan ay ‘di pinapasukan ng magandang kapalaran ano pa mang pagsisikap ang gawa. Ang pagpapala’y ibinibigay ng sanlumikha sa mga taong may puso sa aba at sa nakararami. Ang Orocan na pagmamalasakit sa kapwa’y ganap na matutunghayan sa mga lider na sangkalan ang pagiging relihiyoso ngunit sala ang gawa na ‘di makatao. Sa paggamit ng alay ng bayan tulad ng halalan sa pagmamalabis nasisiguro na malaki ang balik, kasiraan ng ngalan na ‘di iningatan.
Sa totoo lang, walang wagas at may wakas ang salang gawa na binabalikat ng mamamayan. Sa kaganapan sa bansa, silip ang ilang halal ng bayan na ‘di mawari ang hilatsa ng mukha na ganap ang pagkabahala. Hindi malaman kung saan susuong sa harap o likod sa dahilan na nakita ng bayan ang sala sa likod ng proyektong ‘di namalas ngunit pinagkitaan. Ang pagtalikod sa gawain na may pakinabang ang bayan ang dahilan sa pagtatago at pagtakip ng mukha ‘di maipinta, ‘di makaharap sa taong bayan dahil sa kaperahan. Sa paghulagpos sa una at ‘di natuto, umasa na ‘di mauulit ang pag-iwas sa kidlat ng katarungan higit ang bayan ang sana’y nakinabang. Tandaan, may wakas ang magandang kapalaran at ‘di wagas ang kasiyahan sa mga taong may sala sa bayan. Humahatol ang panahon, kagandahan sa buhay ang balik sa may puso sa kapwa at pagdurusa sa salang gawa.
Maraming Salamat po!!!!