Advertisers
PAGLILINAW LANG: Hindi kasama si Leni Robredo, Kiko Pangilinan, Bam Aquino, at iba pang lider ng Lapiang Liberal nang isinampa ni Sonny Trillanes at Gary Alejano noong 2017 ang sakdal na crimes against humanity kontra kay Gongdi at ilang kasapakat sa International Criminal Court (ICC). Si Trillanes at Alejano ang mga tumaya sa isyu. Walang tumulong na sinuman sa Liberal Party sa inisyatiba ng dalawang mambabatas.
May dalawang dahilan kung bakit hindi tumulong sina Leni, Bam at iba pang kasapi ng Liberal Party. Una ang takot. Labis silang natakot kay Gongdi noong mga panahon na iyan. Bagong halal si Gongdi at labis silang kinabahan sa mandando na iniatas ng sambayanang Filipino kay Gongdi. Malayang ipinapatay ni Gongdi, gamit ang PNP bilang institusyon, sa pagpuksa sa mga pinaghinalaan na adik at tulak ng bawal na gamot.
Pangalawa, kamangmangan. Noong mga panahon na iyon, hindi ganap na naunawaan ni Leni, Bam, Kiko at iba pang lider ng Liberal ang lawak ng poder at ang maaaring itulong ng ICC sa pagpigil kay Gongdi sa malawakang patayan sa pamamagitan ng extrajudicial killings (EJKs). Bago sa kanilang pandinig ang ICC. Nakapanlumo na isipin na hindi nagtiyaga ang mga mambabatas ng Liberal na magsaliksik o mag-aral kung ano ang ICC.
Ngayon na lang naunawaan ng ganap kung ano ang ICC at kontribusyon nito sa pagpigil ng mga international crimes tulad ng crimes against humanity, genocide, war against peace, at war of aggression sa ibang bansa. Noong mga panahon na iyon, tanging ang Samahang Magdalo at legislative staff ni Trillanes at Alejano at nagsaliksik sa ICC. Walang itinulong kahit katiting ang mga kasapi ng oposisyon noon.
Sa maikli, walang kontribusyon ang Lapiang Liberal sa sakdal na inihain ni Trillanes at Alejano sa ICC laban kay Gongdi. Kamakailan. Sinabi ni Trillanes na bukod sa hindi tumulong si Leni, may mga pagkakataon na kinumbinsi sila na iurong ang sakdal na nakatakdang ihain sa ICC. Nagpadala ng sugo si Leni ng dalawang beses uang pigilan si Trillanes na isampa ang sakdal.
Kung nakinig si Trillanes kay Leni na noon ay itinuturing na lider ng oposisyon dahil siya ang pinakamataas na halal na bayan ng Liberal, walang sakdal na sumulong sa ICC. Hindi nakakulong si Gongdi sa piitan ng ICC sa Olandiya at maaaring naghahasik pa ito ng lagim sa bayan. Masamang tao si Gongdi at hindi dapat makalaya.
Ito ang dahilan kung bakit wala kaming sampalataya at bilib kay Bam Aquino at iba lider ng Lapiang Liberal. Pawang mga wala sa hulog. Noong Martes, nagsalita si Bam na mas maigi kung sa lokal na hukuman isinampa ang sakdal laban kay Gongdi at iba pang kasapakat. Hindi malaman ng kampo ni Bam at Liberal kung paano sasalagin ang matinding batikos na inabot ng senador sa social media. Hindi daw sapat ang konteksto dahil nawala ang salitang “ideally.”
Hindi naiintindihan ni Bam ang isyu. Kaya nga dinala ni Trillanes at Alejano ang isyu sa ICC ay dahil hindi na umubra ang sistemang legal ng bansa upang habulin ang sinuman na kaanib ni Gongdi na may pananagutan sa malawakang pagpatay sa mga adik at tulak noong panahon na iyon. Nawala ang mga pulis, taga-usig (prosecutor), at husgado sa paghabol sa may kinalaman sa mga EJKs. Mistulang nalusaw. Pawang nangupete. Tumupi ng walang dahilan.
Tinalakay ito sa aking una at pangatlong aklat na pinamagatang “KILL KILL KILL Extrajudicial Killings in the Philippines; Crimes Against Humanity v. Rodrigo Duterte Et Al.” Pinalawak na edisyon ang aking pangatlong aklat. Nandiyan sa dalawang aklat ang mga detalye upang malaman ng ganap kung ano ang war on drugs ni Gongdi.
Binanggit ko kung paano nagsumite ng impeachment complaint si Gary Alejano noong unang buwan ng 2017 at ito’y karakarakang pinatay sa Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives). Isa itong patunay na walang sistemang legal na maaaring pagkatiwalaan sa Filipinas. Dahil walang matinong international criminal justice system ang bansa, ang tanging paraan upang pigilan si Gongdi ay dalhin ang isyu sa ICC.
Simple ang sagot ni Trillanes sa ngawngaw ni Bam. Kung dapat sa lokal na husgado dalhin ang isyu, bakit hindi siya nagsumite ng anumang reklamo sa anumang husgado sa bansa? Bakit nanood lang siya habang libo-libong mahihirap, walang lakas, at nililibak ang ipinapatay niya sa mga mersenaryo ng PNP? Bakit ngayon lang siya nagsasalita? Hindi ba tamang sabihin na isa siya sa mga natakot noong panahon ni Gongdi?
Walang karapatan si Bam, Leni, Kiko, at sinuman sa Lapiang Liberal ang magsalita sa usapin ng sakdal na dinala ni Trillanes at Alejano sa ICC. Hindi sila kasali. Wala silang ambag kahit anuman. Pinakamaigi na itikom ang kanilang mga bibig at huwag magsasalita.