Advertisers

Advertisers

KAMPANYA VS. MONEY LAUNDERING AT PAGPUPUGAY NI PBBM SA MGA GURO!

0 47

Advertisers

ISANG malinaw na hakbang tungo sa mas malinis at mas maaasahang sistemang pinansyal ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suportahan ang pagbuo ng National Anti-Money Laundering and Counter-Terrorism/Proliferation Financing Strategy (NACS) 2026–2030.

Sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 113 na nilagdaan ni Executive Sec. Ralph Recto, ipinapakita ng administrasyon na hindi ito nagbibingi-bingihan sa banta ng money laundering at terorismo, mga suliraning may direktang may epekto sa ekonomiya at seguridad ng bansa.

Mahalaga ang papel ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) bilang tagapangasiwa at Secretariat ng National Anti-Money Laundering and Counter-Terrorism Financing Committee.

Ang panawagan sa lahat ng ahensya, kabilang ang mga GOCC at lokal na pamahalaan, na ihanay ang kani-kanilang institutional action plan sa NACS ay patunay na ang laban kontra money laundering ay hindi trabaho ng iilang opisina lamang, isa itong kolektibong responsibilidad.

Kung walang pagkakaisa, mananatiling butas ang sistema—at sa mga butas na ito pumapasok ang ilegal na salapi.

Napapanahon ang pag-update ng NACS lalo na’t papalapit ang Fourth Mutual Evaluation ng Asia/Pacific Group on Money Laundering sa 2027.

Susukatin dito ang pagsunod ng Pilipinas sa mga pamantayan ng Financial Action Task Force.

Hindi lamang reputasyon ng bansa ang nakataya, kundi ang tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan at pandaigdigang institusyon sa ating sistemang pinansyal.

Samantala, sa gitna ng palakpakan at pasasalamat sa mass oath-taking sa San Jose del Monte City Sports Complex, pinili ni Pangulong Marcos na ibalik ang papuri sa mga tunay na dapat kilalanin—ang mga guro.

Sa kanyang mensahe, malinaw ang diin na ang mga guro ang “most hardworking public servants” ng pamahalaan.

Hindi ito simpleng pagbati sa mga bagong na-promote na guro at school heads mula Bulacan at Pampanga kundi ito’y pagkilala sa kanilang sakripisyo—sa mahabang oras ng pagtuturo, sa pasensyang inuubos para sa bawat mag-aaral, at sa dedikasyong lampas sa suweldo at posisyon.

Sa ilalim ng Expanded Career Progression system na pinangasiwaan ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara, nabibigyan ng malinaw na landas ang mga guro tungo sa mas mataas na antas ng propesyon.

Sinasabing sa pagbibigay-pugay sa kanila, kinikilala na ang tunay na pag-unlad ng bayan ay hindi nasusukat sa gusali o imprastraktura lamang. Ito ay nasusukat sa kalidad ng edukasyong naibibigay sa bawat batang Pilipino, isang misyong araw-araw na tinutupad ng ating mga guro.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.