Advertisers

Advertisers

12 BFP official kinasuhan sa ‘slot-for-sale’ scheme, iregularidad sa fire safety inspection

0 33

Advertisers

Kinasuhan ng mga kasong administratibo ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang 12 opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) dahil sa pagkakasangkot sa talamak na “slot-for-sale” scheme at mga anomalya sa fire safety inspection.
Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ang hakbanging ay bahagi ng kampanya ng administrasyon upang linisin ang hanay ng pamatay-sunog, itaguyod ang tapat na recruitment, at ibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya.
Ayon sa Kalihim, ang apat sa mga kinasuhan ay mula sa BFP Region 8, kabilang ang dating direktor nito na si Chief Supt. Adel Bautista, kasama sina Senior Supt. Joselito Samantal, Senior Supt. Randy Mendaros, at Supt. Doroteos Mocorro.
Batay sa imbestigasyon, ang mga naturang opisyal ay hinihinalang humihingi ng lagay na nagkakahalaga ng P400,000 hanggang P800,000 mula sa mga aplikante ng Fire Officer 1 (FO1) noong  2025 kapalit ng tiyak na slot sa serbisyo. Ang mga opisyal ay kasalukuyang nasa ilalim ng 90-araw na preventive suspension.
Samantala, anim naman na  opisyal mula sa Region 10 ang kinasuhan dahil sa pagpasa ng mga aplikante kahit walang kaukulang medical at physical clearances, habang dalawang tauhan sa Region IV-A ang nahaharap sa reklamo dahil sa paglabag sa mga protocol ng fire safety inspection.
Ayon kay Remulla, maging ang kanyang asawa ay naging biktima ng mga mapagsamantalang inspector sa isang 30-square meter na klinika.
“Imagine, ni-require ng tatlong fire extinguisher… samantalang may sprinkler na ang gusali,” pahayag ni Remulla, bilang patunay ng hindi makatwirang panuntunan ng ilang tauhan ng BFP.
Kaugnay nito, ibinunyag ng DILG na ang “slot-for-sale” scheme ay may 20 taon na umanong umiiral sa kawanihan. Sa kasalukuyan, may 40 pang pangalan ang isinasailalim sa case build-up bilang bahagi ng malawakang crackdown.
“Kailangan nating wakasan ang kulturang ito ng korapsyon sa loob ng BFP. Sapat na, tama na,” mariing pahayag ni Remulla.
Tiniyak din ng DILG na magpapatuloy ang imbestigasyon hanggang sa mapanagot ang lahat ng sangkot at matiyak na tanging mga kuwalipikadong indibidwal lamang ang makakapasok sa serbisyo ng bansa. (Almar Danguilan)