Advertisers
MARIING pinabulaanan ni Palace Press Office at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro ang pahayag ni Atty. Harry Roque na umano’y nais makipag-ayos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Castro, kasinungalingan na naman ang naturang alegasyon at iginiit na mas dapat pagtuunan ng pansin ng mga opisyal ang serbisyo publiko kaysa pamumulitika.
Aniya, hindi dapat basta naniniwala sa mga ‘kwentong beauty parlor’ na aniya’y pinagmumulan ng maling impormasyon.
Tinukoy din ng opisyal ang naging pahayag ni VP Sara na ayaw nitong makipag-ayos kaya’t iginiit niyang malinaw dito ang tunay na tindig ng pangalawang pangulo.
Ayon kay Castro, hindi na nga nakakatulong ay naninira pa ito.
Giit ni Castro, abala ang Pangulo sa pagtatrabaho at pagtupad sa kanyang tungkulin sa bayan at wala itong oras para sa mga isyung pampulitika, hindi aniya tulad ng iba na ngayon pa lang ay nangangampanya na.
Dagdag pa ni Castroi, gumagawa na naman si Roque ng sariling kwento para manatiling relevant at para mapag-usapan. (Gilbert Perdez)