Advertisers

Advertisers

Hilda Koronel umamin sa dahilan ng pag-alis sa Pinas para manirahan sa US

0 54

Advertisers

Ni Anne Venancio

Matapos ang dekada sa industriya ng pelikula, ibinahagi ni Hilda Koronel ang dahilan kung bakit niya iniwan ang showbiz sa Pilipinas upang manirahan sa United States. Sa panayam kay Boy Abunda, sinabi ng beteranang aktres na hindi madali ang desisyon dahil kailangan niyang iwan ang pamilya, mga kaibigan, at bahagi ng kanyang buhay sa Manila, kabilang ang kanyang mga anak at apo.

“Mahirap iwan ang mga kaibigan at pamilya, pero ginawa ko dahil sa aking asawa,” ani Koronel. Ang yumaong asawa nito, si Ralph Moore Jr., ay nagtatrabaho sa US noong panahong iyon.

Ibinahagi rin niya ang kanyang araw-araw na pamumuhay sa Amerika. “Medyo mahirap pero tahimik. Ikaw ang lahat, wala kang katulong. Ikaw ang nagluluto, naglilinis, lahat ng trabaho ginagawa mo. Sanay naman ako,” paliwanag niya.

Tinukoy din ng aktres ang dahilan kung bakit hindi pumasok sa showbiz ang kanyang mga anak. Ayon kay Koronel, mahirap at puno ng emosyonal na hamon ang industriya. “Kailangan matibay ang sikmura mo dahil sa heartaches at temptations na dadaanan mo.”

Aniya, mas pinili niyang ituon ng kanyang mga anak ang pag-aaral bago pumasok sa showbiz. “Tapusin mo muna ang diploma, at pagkatapos, kung gusto mo pa rin, go ahead. Para kung hindi sumikat, may fallback ka,” dagdag niya.

Bagama’t naninirahan sa ibang bansa, nananatiling konektado si Hilda Koronel sa Pilipinas bilang tahanan at sentro ng kanyang pamilya.
***
Kris Lawrence nagsalita sa pagnanakaw ni Alvin Aragon ng kanyang cellphone

Matapos muling kumalat ang video ni Alvin Aragon kung saan inamin niya ang pagnanakaw ng cellphone ni Kris Lawrence, nagbigay ng pahayag ang R&B singer para ilahad ang kanyang panig.

Ayon kay Kris, nangyari ang insidente noong 2006 nang siya at ang kaibigang singer na si Jay R ay nagpunta sa isang bar sa Tomas Morato, kung saan nakilala nila si Alvin kasama ang iba pang kaibigan. Matapos ang gabi ng inuman, inimbitahan nila si Alvin sa bahay ni Kris upang ipagpatuloy ang kasiyahan. Nang sumunod na umaga, napansin ni Kris na nawawala ang kanyang cellphone.

“Hanap ako nang hanap, wala. Nakakapagtaka kasi hawak-hawak ko naman iyon sa studio, apat lang kami,” ani Kris. Kalaunan, inamin ng kaibigan ni Alvin na siya nga ang kumuha ng cellphone. Bagamat nadismaya, pinili ni Kris na huwag gumanti.

“Nag-sorry siya at sinabi ko, ‘It’s okay,’ pero medyo binibigyan ko pa rin siya ng attitude dahil ninakaw niya iyon,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Kris na higit dalawang dekada na ang nakalipas mula sa insidente at masaya siya na nakikita na maayos na ang kalagayan ni Alvin. Sa kasalukuyan, nakatuon si Kris sa kanyang bagong awitin, “Miles Don’t Matter,” na inialay sa mga overseas Filipino workers at sa mga nasa malalayong relasyon.