Advertisers

Advertisers

P25-B PARA SA MAYNILA: SERBISYO, ‘DI PALABAS!

0 14

Advertisers

Malaking pondo, malaking responsibilidad, nguni’t higit sa lahat, malaking oportunidad para mas mapabuti ang buhay ng bawat Manileño.

Isang magandang hakbang para sa kinabukasan ng Maynila ang pag-apruba ng P25-bilyong budget para sa Fiscal Year 2027. Isa itong malinaw na pagpapakita ng direksiyon ng administrasyong Mayor Isko Moreno Domagoso: unahin ang pangangailangan ng tao at tiyaking ang pondo ng lungsod ay naibabalik sa mamamayan sa pamamagitan ng konkretong serbisyo.

Hindi biro ang halagang P25 bilyon. Ngunit mas mahalaga kaysa sa laki ng pondong ito ang mga programang susuportahan nito – kalusugan, edukasyon, pabahay, trabaho, ayuda at iba pang serbisyong direktang pakikinabangan ng mga taga-Maynila.



Ito ang tamang prayoridad!

Sa halip na puro malalaking proyekto at imprastraktura lamang ang pagtuunan, mahalagang nananatiling sentro ng budget ang Minimum Basic Needs program. Sapagkat ano ang silbi ng pag-unlad kung hindi naman ito nararamdaman ng ordinaryong mamamayan?



Kaya naman malaking bagay ang pondong ilalaan sa pagpapalakas ng mga ospital, suporta sa mga estudyante, serbisyong panlipunan, emergency assistance at disaster preparedness.

Hindi rin dapat maliitin ang mga proyektong nakapaloob sa budget, gaya ng New Manila City Hall, Bagong Ospital ng Maynila Outpatient Department Complex, Pritil Market Phase 2 at PLM Medicine and Allied Health Sciences Building. Mga proyektong inaasahang magbibigay ng mas maayos na serbisyo at oportunidad sa mga Manileño.



Kapuri-puri rin ang naging papel ng Manila City Council sa pag-apruba ng budget sa ikatlo at pinal na pagbasa, sa pangunguna ni Vice Mayor Chi Atienza at ng Committee on Appropriations na pinamumunuan ni 3rd District Councilor Timothy Oliver “Tol” Zarcal.

Mahalaga ang kanilang naging pagsusuri upang matiyak na ang pondo ay naipamahagi ayon sa tunay na pangangailangan ng lungsod.

At hindi rin itinago ni Vice Mayor Atienza ang hamon na kinakaharap ng administrasyon—ang patuloy na pagbabayad sa mga obligasyong naiwan mula sa mga nakaraang taon. Ngunit sa kabila nito, tiniyak na hindi isasantabi ang mga pangunahing programa para sa mamamayan.

Dito makikita ang kahalagahan ng maayos na pamamahala sa pananalapi. Hindi lamang dapat marunong gumastos ang isang alkalde; higit na mahalaga na alam niya kung saan dapat ilaan ang pera at kung paano pagkakasyahin ang pondo nang hindi napapabayaan ang serbisyo.

Mismong si Mayor Isko ang nagpahayag na sinisikap niyang maging masinop at episyente sa paggamit ng perang ipinagkatiwala sa kanyang administrasyon.

At tama lamang iyon. Dahil ang bawat pisong nakapaloob sa P25-bilyong budget ay nagmula sa buwis ng mamamayan.

Sa kabuuan, ang pag-apruba sa 2027 budget ay isang positibong hakbang para sa Maynila. Hindi lamang ito tungkol sa bilyun-bilyong pisong gagastusin kundi sa mas malawak na oportunidad na mapalakas ang serbisyong publiko.

Ang hamon ngayon ay isalin ang planong ito sa aktuwal na resulta.

Suportado ang malaking budget kung ang malaking bahagi nito ay tunay na napapakinabangan ng taumbayan.

Dahil sa huli, hindi gusali, numero o bilyon-bilyong pisong alokasyon ang pinakamahalaga. Ang tunay na sukatan ng tagumpay ni Mayor Isko ay kung mas maraming Manileño ang gumaan ang buhay dahil sa perang ipinagkatiwala nila sa pamahalaan.

Pera ng bayan, dapat ibalik sa bayan. Iyan ang diwa ng P25-bilyong budget ng Maynila!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.