Advertisers
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP) ang mahigit P4.1 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo na lulan ng isang refrigerated van sa bayan ng Ilog, Negros Occidental noong Oktubre 21, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng intelligence report mula sa PNP tungkol sa isang puting refrigerated van na umano’y may dalang 3,754 reams ng smuggled na sigarilyo.
Dahil dito, humiling ang CIIS ng Mission Order mula kay District Collector Noli P. Santua, Jr. upang agad na makapagsagawa ng operasyon ang BOC-Port of Iloilo, katuwang ang PNP Regional Intelligence Division – Negros Island Region (PNP-RIDNIR).
Sa isinagawang operasyon, nasamsam ang iba’t- ibang imported na sigarilyo na walang kaukulang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps. Itinatayang nagkakahalaga ng mahigit P4.1 milyon ang mga nakumpiskang produkto.
Nasa kustodiya na ng PNP ang driver ng van at ang kasama nito, na kapwa residente ng Barangay Cogon, Dipolog City, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Naging posible ang mabilis na pagkilos ng mga awtoridad sa pamamagitan ng koordinasyon ng BOC at PNP. Pinangunahan ang operasyon ng BOC-Port of Iloilo sa ilalim ni District Collector Santua, alinsunod sa direktiba ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno at sa pakikipag-ugnayan kay Deputy Commissioner for Intelligence Group PMGen. Emmanuel Luis D. Licup (Ret.).
“Sa tulong ng PNP, mabilis nating naaksyunan ang impormasyong natanggap at napigilan ang pagpasok ng mga ilegal na sigarilyo sa merkado. Patuloy nating palalakasin ang koordinasyon sa iba pang ahensya upang masugpo ang smuggling at maprotektahan ang ating ekonomiya,” ani District Collector Santua.
Samantala, kinilala ni Commissioner Nepomuceno ang BOC-Port of Iloilo, PNP at mga lokal na opisyal sa kanilang pagtutulungan na naging susi sa matagumpay na operasyon.
“Pinupuri natin ang BOC-Port of Iloilo sa pangunguna ni District Collector Noli P. Santua, Jr., gayundin ang PNP at mga lokal na opisyal, sa matagumpay na operasyong ito. Magandang halimbawa ito ng kung ano ang kaya nating gawin kapag mabilis ang palitan ng impormasyon at nagtutulungan ang mga ahensya. Sa ganitong paraan, mas napipigilan natin ang smuggling, napoprotektahan ang kita ng gobyerno, at nasisiguro ang patas na kalakalan,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.
Aniya, patuloy na paiigtingin ng BOC ang intelligence-sharing, inspeksyon at pakikipag-ugnayan sa mga law enforcement agencies upang matukoy at mapigilan ang ilegal na pagpasok at pagbebenta ng mga smuggled na produkto.
Bahagi ito ng mas malawak na pagsisikap ng ahensya na protektahan ang mga hangganan ng bansa, ipatupad ang customs laws at maiwasan ang pagkawala ng kita ng pamahalaan dahil sa smuggling, dagdag pa ni Nepomuceno. (JERRY S. TAN)