Advertisers
Ni Rommel Gonzales
Matapos makaligtas sa kamatayan, ang anak ng isang mafia boss ay tumututol na sa kagustuhan ng kanyang ama at ayaw makibahagi sa gawaing kriminal.
Ang pagtutol na ito ay magdudulot ng mas matinding karahasan.
Ipinagmamalaki ng LGK Films, ang action-drama na “Pater Noster”, mula sa direksyon ni Moutaz Kotrob, at pinagbibidahan ni Arron Villaflor sa papel na Peter, ang anak, at Archi Adamos sa papel na amang si Deo.
Hindi nagtagumpay ang balak na asasinasyon kay Peter, pero naging malubha pa rin ito. Pagkatapos masalinan ng dugo, nag-iba na ang kanyang personalidad at hindi ito katanggap-tanggap kay Deo.
Para matigil na si Peter sa pag-astang bakla, prostitute, at duwag, magsisimula ng gulo si Deo sa siyudad ng Milagros para makakuha ng dugo ng isang sanggano.
Makukuha ang dugo, pero ang grupo ni Deo na Alpha-Agila ay malalagas kaya mapipilitan silang magtago sa malayong isla. Doon, mas titindi ang pagnanais ni Peter na mamuhay nang mapayapa. Samantala, pinaghahandaan na agad ni Deo ang kanilang muling paglusob sa Milagros.
Dahil sa magkaiba na ang kanilang prinsipyo at layunin, magiging magkalaban na rin ang mag-ama. Makadadagdag pa sa tensyon ang biglang pagsulpot ni Catherine, ang anak ni Deo na matagal na niyang kinalimutan.
Ngayon, kanino kaya siya papanig?
Si Catherine ay ginagampanan ni Kayley Carrigan na kilala sa husay niya sa martial arts, acrobatics, parkour, fight choreography at specialized stunt techniques.
Siya ay respetadong stuntwoman, at bagay sa kanya ang karakter na ito na sasabak sa mga maaksyong eksena.
Ilang beses nang napatunayan ni Arron Villaflor ang kakayanan niya sa pagsasabuhay ng iba’t ibang karakter dahil sa dami ng nagawa niyang primetime drama, soap opera, at pelikula.
Ngayon, tiyak na mabibihag niya ang mga manonood sa ipakikitang lalim na emosyon bilang Peter.
Kilala ang beteranong aktor na si Archi Adamos sa kanyang pagiging natural sa pag-arte. Kahit sa mga supporting roles ay nagmamarka ang kanyang pagganap, at ngayong siya ang bidang si Deo, siguradong isa na naman itong karagdagan sa kanyang matagumpay na karera.
Huwag palampasin ang “Pater Noster” sa mga sinehan, at tunghayan kung paanong minsan ang kapamilya ay nagsisilbing kulungan.
Abangan sa Marso 25, 2026. Ipinamamahagi ng Viva Films.