Retirement benifits para sa brgy. workers at libreng parking sa solo parents nihain ni Cong. Cayton!
Advertisers
Dalawang makabuluhang panukalang batas ang inihain ni Nueva Viscaya Lone Dist. Congressman Timothy Joseph Cayton na naglalayong palakasin ang suporta sa mga pamilyang Pilipino at kilalanin ang sakripisyo ng mga barangay frontliners.
Itinutulak ni Cayton na gawing libre ang parking ng mga solo parents sa mga pangunahing establisyimento sa buong bansa sa pamamagitan ng Solo Parent Accessibility and Welfare Support Act of 2026.
Ayon kay Cong. Cayton, panahon na upang magbigay ng konkretong tulong sa mga magulang na mag-isang tumataguyod at nag-aalaga sa kanilang mga anak. “Kapag solo parent ka, doble ang responsibilidad mo. Ikaw ang nanay, ikaw ang tatay. Hindi sapat ang papuri. Kailangan may tunay at praktikal na suporta,” ani Cayton.
Sa ilalim ng panukala, magiging libre ang parking ng solo parents sa mga ospital, paaralan, tanggapan ng gobyerno, commercial centers, paliparan, pantalan, at mga terminal ng transportasyon, basta may valid Solo Parent ID at ang solo parent mismo ang driver o occupant ng sasakyan.
“Hindi ito espesyal na pabor. Ito ay pagkilala sa sakripisyo nila. Maliliit na bayarin na paulit-ulit kapag pinagsama-sama, mabigat din,” dagdag niya. Ang mga establisyimentong hindi susunod ay papatawan ng multang mula ?100,000 hanggang ?300,000 sa unang paglabag.
Kasabay nito, itinutulak din ni Cayton ang Barangay Workers Separation and Retirement Protection Act na magbibigay ng malinaw at minimum na separation at retirement benefits para sa mga barangay workers.
Kabilang sa mga saklaw ng panukala ang mga Barangay Secretary, Barangay Treasurer, Barangay Tanod, Barangay Health Worker, Barangay Nutrition Scholar, at iba pang kinikilalang barangay personnel na nakapaglingkod ng hindi bababa sa limang taon.
“Ang mga barangay worker ang unang takbuhan ng mamamayan. Sila ang tunay na frontliners ng lokal na pamahalaan. Ngunit sa kabila ng kanilang serbisyo, madalas honorarium lamang ang natatanggap at walang katiyakang benepisyo sa pagtatapos ng kanilang panunungkulan,” paliwanag ni Cayton.
Sa ilalim ng panukala magkakaroon ng separation pay na katumbas ng isang buwang honorarium para sa bawat taon ng serbisyo, retirement benefits para sa mga nakapaglingkod ng hindi bababa sa 15 taon at umabot sa edad na 60, magtatatag ang bawat LGU ng Barangay Workers Trust Fund para matiyak ang pondo para sa mga benepisyo
“Ito ay usapin ng dignidad at katarungan. Kung sila ang sandigan ng komunidad, dapat may seguridad rin sila sa pagtatapos ng kanilang serbisyo,” mariing pahayag ni Cayton.
Binigyang-diin ni Cong. Cayton na ang dalawang panukala ay bahagi ng mas malawak na layunin na palakasin ang pundasyon ng pamilya at komunidad.
“Kapag tinulungan natin ang solo parent, tinutulungan natin ang bata. Kapag pinrotektahan natin ang barangay worker, pinatatag natin ang pamahalaang lokal. At kapag matatag ang pamilya at barangay, mas matatag ang buong bansa.”
Inaasahan ni Cong. Cayton ang agarang pagtalakay at pagpasa ng dalawang panukala sa ika-20 Kongreso. (Cesar Barquilla)